4-taong-gulang, naatrasan ng sasakyan ng lalaking nagdiriwang ng birthday
Nauwi sa trahedya ang masaya sanang selebrasyon ng kaarawan ng 22-anyos na binatang driver ng SUV matapos niyang maatrasan ang isang 4-taong-gulang sa Solano, Nueva Vizcaya.
Nagpunta ang driver sa nasabing lugar noong Biyernes ng gabi upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan sa tahanan ng kanyang kasintahan sa Purok 6, San Luis, sabi ni Solano police chief PMaj. Anthony Sanchez.
Ang bata ay pamangkin din ng kasintahan ng nakasagasa.
Ayon sa Solano police, ang sasakyan ay nakarehistro sa ama ng binatang nagmamaneho. Hindi umano nakita ng driver ang bata na posibleng nakayuko at may inaayos.
“Hindi naman umano mabilis ang patakbo ng driver dahil paatras ang andar niya. Wala namang nakitang tao sa likuran hanggang sa may kumalabog at nailawan na lamang sa harapan na ng sasakyan ang katawan ng bata,” sabi ni Sanchez.
Base sa imbestigasyon, naglalaro umano ang bata sa nasabing lugar na katabi lang din mismo ng kanilang bahay.
Naiwan sa lugar ng insidente ang roller blades ng bata na agad isinugod sa hospital subalit idineklarang dead-on-arrival.
Nasa kustodiya ng Solano police ang driver ng van at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting into homicide.