Magnanakaw ng kable sa manhole, arestado
MAYNILA — Naaktuhan ng mga pulis ang isang lalaki habang nagnanakaw ng mga kable sa loob ng manhole sa Barangay Little Baguio, San Juan City nitong Lunes ng madaling araw.
Batay sa CCTV footage, nakitang nagmamasid muna sa gilid ng kalsada ang suspek at isa pang lalaki bago buksan ang manhole sa tabi ng kanilang nakaparadang motorsiklo.
Pumasok sa manhole ang suspek habang isinara naman ng kanyang kasamahan ang takip nito bago sumakay sa motorsiklo at maghintay sa gilid ng kalsada.
Hindi nila alam na binabantayan na sila ng mga tauhan ng barangay sa pamamagitan ng CCTV.
“So maagap, mabilis ang pag-responde ng ating mga kapulisan. Sa katunayan nga ay naaktuhan pa nila na nasa loob ng manhole ‘yung suspect at pinuputol ‘yung kable doon sa loob ng manhole,” ayon kay San Juan Police Assistant Chief of Police for Operations PMaj. Loreto Tigno.
Tinatayang nasa P230,000 ang halaga ng mga ninakaw na kable, na posibleng ibebenta sa mga junk shop dahil sa copper na laman ng mga ito.
Kinumpirma naman ng isang telecommunications company na pag-aari nila ang mga nakuhang kable.
Anim nilang customer ang naapektuhan at naabala ang serbisyo dahil sa insidente, kaya desidido ang kumpanya na magsampa ng reklamo.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek at sinabing sa korte na lamang siya magpapaliwanag.
“‘Yung suspect natin ay taga-Caloocan at ang kanyang trabaho ay construction worker. Inaalam pa natin kung may mga previous cases pa siyang kinakaharap, maliban dito sa kasong pagnanakaw,” sabi ni Tigno.
Patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang nakatakas na kasabwat ng suspek.
Nagbabala rin ang pulisya sa mga bumibili ng mga nakaw na kable na maaari rin silang managot sa batas.