Monday, November 9, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Naglahong beauty queen: The Catherine Camilon Story

Sa isang Facebook post nagsimula ang lahat. Ang post ng isang inang humihingi ng tulong sa publiko para mahanap ang anak na bigla na lang hindi nagparamdam.

Nag-viral ang post dahil ang nawawala ay ang kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon.

Mahigit isang taon na ang paghahanap, pero hanggang ngayon hindi pa rin siya nakikita.

Nananatili ring walang makapagsabi asan siya at bakit hindi pa rin siya nakikita.

Pero sino nga ba si Catherine Camilon?

Tubong Tuy, Batangas, ang 26-anyos na breadwinner ng kaniyang pamilya ay mahilig sumali sa beauty pageants. English teacher din siya sa isang high school.

OKTUBRE 12, 2023

Bandang alas-6 ng gabi, normal na nagpaalam si Catherine sa kanyang inang si Rose, at aniya’y pupunta siya sa isang radio station sa  Batangas City.

Sa naturang estasyon dating nagtatrabaho bilang talent si Catherine ngunit hindi na niya idinitalye sa ina kung anong gagawin niya roon.

Dahil hindi naman ito malaking bagay at hindi rin kakaiba, normal din siyang hinatid ng ina sa kaniyang kotse na isang gray na Nissan Juke.

Bandang alas-7 ng gabi, nagmessage si Catherine sa kaniyang ina ng “andito na ako sa xentro mall.”

Sa bayan ng Lemery sa probinsya rin ng Batangas ang mall na ito at mula sa Tuy ay dalawang bayan lang ang layo ng Lemery.

Pasado alas-8:30 ng gabi, tumawag si Catherine sa kaniyang ina ngunit nasa gasolinahan na siya sa Bauan, at inaantay umano ang isa niyang katrabaho na hindi nito sinabi kung sino.

Tumagal ng isang minuto at 15 segundo ang usapan nilang mag-ina at ito na rin ang huling beses ni Rose na narinig ang kaniyang anak.

OKTUBRE 13, 2023

Kinabukasan, Oktubre 13, inaasahan ni Rose na uuwi ang anak ngunit hindi ito nagparamdam at dito na kinutuban si Rose.

Ilang beses niyang tinawagan ang anak pero hindi na ito ma-kontak. At base naman sa kaniyang messaging app, 14 hours ago pa ito huling nag-online.

OKTUBRE 14, 2023

Dalawang araw nang walang paramdam si Catherine kaya nag-post na sa social media si Rose na tila kinakausap ang anak at nakikiusap na umuwi na ito.

“Anak nasaan ka, uwi na. magbuhay ka na ng cellphone para makausap ka na namin. mahal na mahal ka namin. diyos ko, tulungan mo po kami makita na o makausap ang aming bunso, huwag niyo po siyang pababayaan,” ani Rose sa kaniyang post.

“Sana makabalik ka na sa atin, madami nag-aalala sayo, kung nasaan ka, halos dalawang araw ka nang walang update sa amin, wala namang alis na wala kang update. sana okay ka lang kung nasan ka man, mahal na mahal ka namin,” ayon sa post ng kapatid ni Catherine na si Chin-chin.

Agad nag-viral sa social media ang post ng mag-ina at marami ang nagka-interes sa panawagan nila kabilang ang kabi-kabilang news outlet.

OKTUBRE 17, 2023

Limang araw nang nawawala si Catherine at dito unang nakausap ng ABS-CBN News ang pamilya niya.

Dito inilahad ni Rose na wala syang alam na may nakatampuhan ang anak sa pamilya o sa mga kaibigan kaya imposibleng lumayas ito.

Sa isinagawang backtracking ng Tuy Police, nakakuha sila ng kopya ng CCTV ng mall sa Lemery na pinuntahan umano ni Catherine.

Makikita sa naturang CCTV footage na pasado alas-7 ng gabi nang mahagip ng camera si Catherine na mag-isang naglalakad sa loob ng Xentro Mall.

Pinuntahan rin ng mga pulis ang sinabi ni Catherine na radio station na kaniyang ipinaalam ngunit ayon sa estasyon, matagal nang hindi pumupunta roon si Catherine. Dagdag pa nila, hindi rin dumating doon si Catherine noong Oktubre 12.

Napuntahan din ng mga awtoridad ang gas station kung saan tumawag si Catherine sa ina ngunit wala umanong CCTV ang naturang establisimyento at walang makapagsabi na nakita nila roon ang dalaga.

Nadiskubre din ng pulisya na hindi nakapangalan kay Catherine ang ginamit niyang kotseng gray Nissan Juke kundi sa isang tao na na taga-Binangonan, Rizal.

Nang mapuntahan ang nakarehistrong pangalan sa kotse, ang sabi nito ay naibenta na nila ang sasakyan noong Abril 2019.

Isang linggo mula noong mawalan ng kontak kay Catherine, nagkaroon ng breakthrough sa kaso matapos may isang matukoy na person of interest.

Ngunit hindi agad ito pinangalanan ng mga pulis dahil nangangalap pa ang mga ito ng ebisensya.

CCTV EVIDENCE

(Oktubre 12, 2023, 8:00 p.m.) – Nahagip ang pagdaan ng sasakyan ni Catherine sa Poblacion Uno sa Sta Teresita, Batangas.

(8:10 p.m.) – Dumaan ang sasakyan sa Barangay Muzon, San Luis.

(8:24 p.m.) – Nakitang dumaan ang sasakyan sa Barangay Cupang.

(9:13 p.m.) – Pumasok ang sasakyan sa isang kalye sa Santa Maria.

(9:20 p.m.) – Nakita ito sa Barangay Baguilawa.

(9:25 p.m. to 9:53 p.m.) – Binaybay ng sasakyan ang Barangay San Agustin.

(10:00 p.m.) – Lumabas ulit ang sasakyan sa pinasukan nito sa Barangay Santa Maria.

Sa mga nakuhang CCTV footage, hindi kita kung may kasama ang beauty queen sa kotse pero sa kabila nito, wala pa ring makuha ang mga awtoridad ng ano mang bakas kung saan nagpunta si Catherine at sino ang kasama niya.

Ilang sektor na ang tumulong na mahanap si Catherine kung saan nag-alok ang ilang lokal na opisyal ng Batangas ng cash reward na P100,000 at pati ang business sector ng Calabarzon nagdagdag rin ng P100,000 na pabuya.

OKTUBRE 27, 2023

Lagpas 2 linggo nang huling makita si Catherine, inanunsyo ng Calabarzon PNP na hawak nila ang isang police major na umano’y person of interest sa pagkawala ng beauty queen.

Ang pulis umano ang posibleng kasama ni catherine noong Oktubre 12 at nagngangalang  si P/Maj. Allan De Castro.

Dahil lumabas ang pangalan ni De Castro bilang POI sa kontrobersyal na kasong ito, agad ni-relieve sa puwesto si De Castro at dinala sa regional personnel holding accounting unit sa Camp Vicente Lim sa probinsya ng Laguna.

Itinanggi naman ni De Castro na nakasama nito si Catherine noong araw na mawala ito.

NOBYEMBRE 10, 2023

Dalawang testigo ang lumitaw sa CIDG Calabarzon kung saan ibinunyag nilang may tatlong lalaki na may inililipat na duguang babae mula sa isang gray SUV papunta sa isang pulang SUV.

Nang puntahan ng pulisya ang sinabing lugar ng mga testigo, natagpuan sa isang bakanteng lote sa Sitio Ilaya sa Barangay Dumuclay, Batangas City ang isang pulang CRV.

Wala itong plaka at conduction sticker ngunit tugma ito sa mga pahayag ng mga testigo.

Teorya ng mga awtoridad, si Catherine ang babaeng duguan na nakita nila ngunit hindi na matukoy kung sino ang may-ari ng sasakyan dahil ayon sa isang source, burado na ang engine at chassis number ng SUV.

Dagdag pa ng mga testigo, isa sa tatlong lalaki na sakay ng suv ang nanutok pa ng baril sa kanila at ang lalaki umanong ito ay may koneksyon kay De Castro pinangalanang si Jeffrey Magpantay.

Ang pulang SUV ay isinailalim sa forensic examination at doon nakuha ng SOCO ang 17 hibla ng buhok at 12 bakas ng dugo.

Sa kabila nito, walang fingerprints na nakuha, kaya malaki ang posibilidad na nalinis na ang sasakyan.

Nang lumabas ang resulta ng blood samples, nagpositibo ang DNA profile nito sa mga kaanak ni Catherine.

Kahit na may mga koneksyon ang mga ebidensya, itinatanggi pa rin ni De Castro na kasama niya si Catherine nang mawala ito. Pero bakit nga ba siya ang pinaghihinalaang kasama ni Catherine noon?

Ito ay dahil inamin na umano ni De Castro sa dating PNP chief na si Benjamin Accorda na nagkaroon siya ng relasyon kay Catherine.

Base sa mga hawak na ebidensya, nagsampa ng reklamo ang CIDG laban kay De Castro, sa driver nito na si Jeffrey Magpantay, at sa dalawa pang John Doe kaugnay sa pagkawala ng beauty queen.

DISYEMBRE 19, 2023

Nagsimula nang gumulong ang preliminary investigation sa reklamong kidnapping at serious illegal detention sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office.

Sa dalawang hearing sa kaso, no-show si De Castro at tanging ang abogado lang niya ang humarap sa korte.

ENERO 9, 2024

Biglang lumutang si Jeffrey Magpantay, ang drayber ni De Castro, sa Balayan Municipal Police station.

Pero gaya ni De Castro, tikom ang bibig niya at hindi nagbigay ng pahayag kaugnay ng kaso.

ENERO 18, 2024

Inirekomenda ng PNP Internal Affairs Service ang pagsibak kay De Castro sa police service.

Sa gitna nito, hindi pa rin siya sumipot sa mga sumunod na hearing ng kaso. At ang driver niyang si magpantay ay no comment pa rin.

ENERO 16, 2024

Tuluyan nang inilabas ang dismissal sa serbisyo ni De Castro.

PEBRERO HANGGANG MARSO 2024 – SENATE HEARING

Sa hearing na ito sumipot si De Castro pero na-cite in contempt at dinetine sa Senado dahil umano sa pagsisinungaling na wala umano silang relasyon ni Catherine.

Sa kabila ito ng mga testimonya ng mga testigo ng CIDG at NBI na nagsasabing mayroon silang relayson.

Agad naman siyang pinakawalan matapos lang ang ilang oras.

MAYO 16, 2024

Nagulat ang pamilya ni Catherine nang dinismiss ng prosecutor sa San Pablo City, Laguna, ang kidnapping at illegal detention complaint na inihain ng CIDG laban kina De Castro, Magpantay at dalawa pa.

Agad naghain ng motion for reconsideration ang CIDG Calabarzon at laking tuwa naman ng pamilya ni Rose nang tanggapin ng korte ang mosyon.

SETYEMBRE 4, 2024

Nag labas ng warrant of arrest ang korte para kina De Castro, Magpantay at dalawa pang suspek.

SETYEMBRE 18, 2024

Naaresto sa Balayan, Batangas sina De Castro at Magpantay sa bisa ng warrant of arrest ngunit pinagbigyang makapag piyansa sila habang naghihintay ng trial.

Hinahanap pa rin ang dalawang hindi pa kilalang lalaki na itinuro ng mga testigo na umano’y nagbuhat ng duguang katawan ng isang babae mula sa gray SUV patungo sa pulang SUV.

Taong 2026 na ay hindi pa rin natatagpuan si Catherine Camilon at nananatiling nangungulila ang kaniyang mga kaanak sa kaniyang biglang pagkawala.

Panoorin dito ang bagong episode ng Philippines’ Most Shocking Stories: https://youtu.be/9Fh8Iz8b9qo

Leave a Reply