Babae nilaslas sa leeg matapos pumalag sa ‘alok’ na kondisyon ng inuutangang pinsan
Nagtamo ng hindi bababa sa 15 tahi sa leeg ang isang 31-anyos na babae matapos laslasin ng kanyang 36-anyos na lalaking pinsan nang makaalitan sa loob ng sasakyan sa Pulilan, Bulacan. Courtesy: Pulilan MPS via Bea Cuadra, ABS-CBN NewsMAYNILA — Nagtamo ng hindi bababa sa 15 tahi sa leeg ang isang 31-anyos na babae matapos laslasin ng kanyang 36-anyos na lalaking pinsan nang makaalitan sa loob ng sasakyan sa Pulilan, Bulacan.
Ayon kay Lt. Col. Eric Cister, Officer-in-Charge ng Pulilan Municipal Police Station, naganap ang insidente hapon noong Nobyembre 5 sa parking lot ng isang mall, kung saan nakipagkita ang biktima sa suspek upang manghiram ng P200,000.
Nauwi sa pagtatalo ang transaksyon nang palagan ng biktima ang “alok” ng suspek bago ibigay ang pera.
“Nag-attempt ‘yong lalaki na humiling doon sa babae bago niya bigay ‘yong pera is, magkaroon muna sila ng pagtatalik… but ‘yong babae is nag-resist at nagkaroon sila ng physical altercation afterwards and then yun na ‘yong umpisa nong pananakit nung suspect doon sa babae… ‘yong pong babae nagkaroon siya ng malaking sugat sa kanyang leeg,” kwento ni Cister.
Nang subukang usisain ng isang mall security guard ang gulo, pinaharurot ng suspek ang sasakyan lulan ang duguang biktima.
Umabot ang biyahe nila hanggang Kennon Road sa Baguio City, kung saan tumirik ang sasakyan nang maubusan ng gasolina.
Nakatakas at nakahingi ng tulong ang biktima nang umalis ang suspek upang maghanap ng gasolinahan.
“Nag-report na ‘yong Baguio City Police Station dito sa atin… Nag-coordinate na po kami. At as early as after midnight no’ng gabi na ‘yon, nagkaroon na kami ng follow-up operation,” dagdag ni Cister.
Sumuko ang suspek sa Pulilan Police noong hapon ng Nobyembre 7 matapos kausapin ng mga awtoridad ang pamilya nito.
“‘Yong ibang mga operatiba namin, pinuntahan ‘yong bahay ng suspect tsaka victim kasi magpinsan sila. So, tinry namin kausapin ‘yong family ng suspect na mag-surrender na… almost 36 hours bago sila nakapag-decide na mag-surrender,” pahayag ni Cister.
“Sa ngayon hindi siya nagbigay ng statement at mas pinili niyang manahimik.”
Nahaharap na sa mga kasong frustrated murder, acts of lasciviousness, at abduction ang suspek, na dati na ring nagpahiram ng pera sa biktima.
Ligtas at nakalabas na sa ospital ang biktima, na ayon sa pulisya ay humiling ng privacy habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.