TV Patrol: Tone-toneladang smuggled na sibuyas at iba pang gulay nasamsam
Mahigit P0.5-bilyong halaga ng iba’t ibang smuggled na agricultural products ang nasamsam ng Bureau of Customs at National Bureau of Investigation sa isang warehouse sa Valenzuela city.
Sa inventory ng BOC, pinakamarami ang mga pulang sibuyas na aabot sa halos 100,000 sako at nagkakahalaga ng P400 milyon.
Kasama din sa mga kinumpiska ang higit 18,000 kahon ng imported na luya at mahigit P100-milyong pisong halaga ng beans at legumes.
Sabi ng Customs, kung dumaan sa ligal na proseso ang mga produktong ito na nagkakahalaga ng P524.27-milyon dapat ay nagbayad sana ang may-ari ng shipment ng halos P170 million na duties and taxes sa pamahalaan.
Karamihan sa mga ito ay galing sa China, pero may mga nagmula rin sa Argentina, Australia, Indonesia, India, Myanmar, at Egypt.
Hindi na muna pinangalanan ng customs at NBI kung sino ang mga nasa likod ng shipment lalo’t patuloy ang imbestigasyon pero hindi na lang paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act ang posibleng kaharaping kaso ng mga nasa likod ng mga kontrabandong ito.
Binigyan ng 15 araw ang may-ari ng shipment para patunayang ligal ang kanilang kargamento.