Ama na humabol sa nang-hit and run sa anak, patay matapos resbakan ng suspek at mga kagrupo nito sa Muntinlupa
MAYNILA — Patay ang isang 31 anyos na lalaki matapos na pagtulungan umanong bugbugin ng hindi bababa sa walong lalaki sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City nitong Oktubre 18.
Sa imbestigasyon ng Muntinlupa City Police Station, naglalakad pauwi ang biktima kasama ang kanyang misis at menor de edad na anak dakong alas-5:20 ng hapon noong Oktubre 18 nang aksidenteng mabangga umano ng motorsiklo ng suspek na si Alyas Jo ang kanyang anak.
Nilapitan umano ng biktima si “Jo” para komprontahin ito pero tumakbo ang suspek. Hinabol naman siya ng biktima hanggang sa makarating sila malapit sa tirahan ng suspek.
Pero nabaligtad ang sitwasyon nang nakakuha ng resbak ang suspek at ang biktima ang hinabol pabalik.
Ayon sa mga unang salaysay, nadapa umano si biktima habang tumatakas at tumama ang ulo sa sementadong kalsada dahilan upang mawalan siya ng malay.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit binawian din ng buhay dakong alas-10:18 ng gabi noong Oktubre 19.
Pero hindi kumbinsido ang pamilya na ang pagkakadapa lang ang dahilan ng pagkamatay ng biktima kaya humiling sila ng autopsy at medico-legal examination.
Batay sa resulta ng medico-legal, traumatic brain injury ang sanhi ng pagkamatay ng bitkima.
Sa isinagawang follow-up investigation noong Oktubre 26, nakapanayam ng mga imbestigador ang isang testigo na nagsabing nakita niyang hinahabol ng ilang lalaki ang biktima.
Ayon sa testigo, kabilang sa mga humahabol sina Alyas Rommel, Kevin at ang pangunahing suspek na si Jo.
Naabutan umano ng mga ito ang biktima at hinampas sa likod ng ulo gamit ang bakal na tubo ni Kevin dahilan upang bumagsak ito sa kalsada.
Habang nakahandusay ang biktima, ilang beses pa umano siyang sinuntok nina Rommel at Kevin bago tumakas ang mga suspek at magtago.
Noong Oktubre 27, naghain ng kasong murder ang kapatid ng biktima laban sa mga suspek.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente.