21 pamilya sa Taguig at Maynila nawalan ng bahay sa magkahiwalay na sunog
Nakuhanan ng video ni Georgina Barrios habang sakay ng bus sa Skyway-Southbound ang sunog ganap na 6:37 ng gabi. Courtesy: Georgina Barrios via Bea CuadraMAYNILA — Dalawang magkahiwalay na sunog ang naganap sa mga residential area sa Taguig City at Maynila nitong Martes ng gabi, Nobyembre 10, kung saan ilang pamilya ang naapektuhan.
Sa Barangay Fort Bonifacio, Taguig City, natupok ang siyam na bahay na tinitirhan ng 20 pamilya o 57 indibidwal matapos sumiklab ang sunog mag-aalas-7 ng gabi.
Nakuhanan ng video ni Georgina Barrios habang sakay ng bus sa Skyway-Southbound ang sunog ganap na 6:37 ng gabi.
Umabot ito sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula pasado 10:00 ng gabi ng mga nagtulong-tulong na 12 fire truck ng Bureau of Fire Protection (BFP) at 25 volunteers.
Ayon sa BFP, walang nasawi o nasaktan sa sunog, at pansamantalang nananatili sa evacuation center ng barangay ang mga apektadong residente.
Samantala, isang pamilya naman ang nawalan ng tirahan matapos na masunog ang kanilang bahay sa Barangay 839, Pandacan, Maynila mag-aalas-8 ng gabi.
Umabot sa unang alarma ang sunog.
Sampung fire truck ng BFP at fire volunteers ang nagtulong-tulong kaya agad naapula ang sunog at hindi na kumalat sa buong residential area.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng magkahiwalay na sunog pati na ang kabuuang halaga ng pinsala.