Saturday, November 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

5-anyos na bata patay nang magulungan ng van sa Pasig

Dead-on-arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong matinding pinsala sa tiyan. Courtesy: Pasig CPS via Christopher Sitson

MAYNILA — Sapul sa CCTV ang pagbangga at paggulong ng van nang dalawang beses sa isang 5-anyos na bata sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Martes, Nobyembre 10.

Sa isang kuha ng CCTV dakong 9:30 ng umaga, kita na tumatawid ang bata bago mabundol ng van na lumiko sa Eusebio Avenue. Huminto ang van matapos ang insidente habang agad namang nilapitan ng mga residente ang nakahandusay na biktima para saklolohan.

Gayunpaman, dead-on-arrival sa ospital ang biktima dahil sa tinamong matinding pinsala sa tiyan.

Inaresto ng pulisya ang 62-anyos na van driver na papunta sanang Tagaytay. Paliwanag niya, hindi niya namalayang may tumatawid na bata.

“Hindi ko napansin… humihingi ako ng pasensya sa hindi inaasahang pangyayari, pasensya na po sa magulang ng batang namatay,” pagsusumamo ng driver.

Labis ang hinagpis ng lola ng biktima sa pagkawala ng isa sa labingwalong apong kanyang kinakalinga. Palagi umano niya itong pinapaalalahanan na huwag lalabas kapag walang kasamang nakatatanda.

“Masakit, hindi nga ako makatulog. ‘Yung ina nasa bahay, kasi may baby, bagong panganak. Sinasabihan rin ng ina na huwag lalabas, pero ang bata gusto gagala-gala,” pahayag ng lola.

Dahil sa insidente, mas paiigtingin ng barangay ang pagpapatupad sa Curfew Ordinance.

Nasa kustodiya ng Pasig City Police Station ang driver dahil sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide habang inaasikaso pa ng kaanak ang burol ng biktima.

       

Leave a Reply