TV PATROL: DTI: Walang PH-US signing ng kasunduan tungkol sa Pax Silica sa ASEAN Summit
Walang nakatakdang pirmahan ng kasunduan ang Pilipinas at Amerika sa nalalapit na ASEAN Summit, para sa isinusulong na Pax Silica Artificial Intelligence industrial hub sa New Clark City.
Pero, ayon kay Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo, inaasahang matatapos ang diskusyon sa usapin ngayong taon.
Naglabas ng pahayag si Rodolfo sa joint meeting ng House Committee on Economic Affairs at ng House Committee on Trade and Industry ngayong Miyerkules.
Tiniyak ng DTI at ng BCDA o Bases Conversion and Development Authority na Pilipinas ang mangangasiwa sa nasabing hub.
Dagdag ni Rodolfo, mga batas din ng Pilipinas ang paiiralin sa lugar, at walang diplomatic immunity para sa mga Amerikano o iba pang dayuhan doon.
Siniguro naman ng BCDA, na walang itatayong data center sa panukalang advanced manufacturing hub.
Pinawi rin ng ahensya ang mga pangamba sa posibleng epekto ng proyekto sa supply ng tubig at kuryente sa lugar.
TV Patrol, Miyerkules, 11 Nobyembre 2026