44 pamilya apektado sa sunog sa Las Piñas
Aabot sa 37 istruktura ang natupok at 44 pamilya ang naapektuhan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City, Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 11. Courtesy: Nathaniel Sumilla via Bea CuadraMAYNILA — Aabot sa 37 istraktura ang natupok at 44 pamilya ang naapektuhan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City, Miyerkoles ng gabi, Nobyembre 11.
Mabilis na kumalat ang apoy sa dikit-dikit na mga bahay nang magsimula ang insidente pasado alas-11 ng gabi.
Rumesponde ang 12 firetrucks ng Bureau of Fire Protection (BFP) bago tuluyang naapula ang apoy ganap na 3:25 ng madaling araw nitong Huwebes.
Batay sa imbestigasyon ng BFP, isang residente ang nagtamo ng sugat sa kanang paa. Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.
Ayon kay Barangay Kagawad Eduardo Taberna, nanggaling ang usok sa isa sa mga bahay matapos ang pagputok.
“Mga alas-10 po ng gabi, may pumutok po… Parang may usok na lumabas na sa mga isang bahay,” sabi ni Taberna.
Naalimpungatan ang mga residente dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Kabilang sa mga nasunugan si Letty Melindo na lumikas kasama ang kaniyang tatlong anak sa pamamagitan ng pagdaan sa bubungan.
Ikalawang beses namang nasunugan ng residenteng si Cerila Cas, na kaunting gamit lamang ang naisalba kasama ang kaniyang 12 anak at 5 apo.
“Natutulog na po sana kami. Nagulat na lang kami. Malakas na po yung apoy dyan sa likod ng bahay namin… Sinalba ko na mga apo ko… Marami kami… Muntik na nga kasi nakasarado pintuan hinila ko na lang,” aniya.
Pansamantalang nananatili sa evacuation center ng barangay ang mga nawalan ng tirahan habang nanawagan ng tulong ang barangay para sa mga biktima.
“Pwede po natin irekta sa Barangay Manuyo Dos sa Gatchalian. Kung may mga kaunti po makabigay na tulong, sana po, mabigyan po natin sila ng tulong. Kasi talagang kung makikita niyo po, halos lahat po talagang walang natira. Ang dala lang po nila sarili nilang kasuotan lang,” apela pa ni Taberna.