Friday, November 13, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

EXPLAINER: Ano ang sinasabi ng batas tungkol sa distracted driving

Nagpaalala ang LTO na ang kaligtasan ng lahat ay nakasalalay sa disiplina at tamang asal sa kalsada. LTO

MAYNILA — Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho dahil maaari itong magdulot ng panganib sa driver at sa paligid nito.

Isa itong uri ng distracted driving at ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act.

Ayon sa Land Transportation Office, ang ilang segundo lang na pagtingin sa screen ng cellphone o iba pang gadget ay sapat na para mawalan ng atensyon sa daan ang nagmamaneho.

Ito ay puwedeng magdulot ng panganib hindi lang sa driver kundi pati sa mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada, sabi ng LTO.

MGA URI NG DISTRACTED DRIVING 

Itinuturing ng batas na distracted driving ang paggamit ng cellphone para mag-text o magbasa ng text, pati na rin ang pagtanggap ng tawag at iba pang kahalintulad na gawain.

Distracted driving ring maituturing ang paggamit ng nagmamaneho ng electronic device para maglaro, manood ng pelikula, mag-browse ng internet, magbasa ng e-book, mag-compute gamit ng calculator, at iba pang aktibidad.

Samantala, ayon sa batas, hindi maituturing na distracted driving ang aktibidad kung ang driver ay gumagamit ng speakerphone o microphone para tumanggap ng tawag basta’t hindi niya hawak ang device.

Dapat ring nakalagay ang gadget sa lugar kung saan hindi nito nahaharangan ang pagtingin ng driver sa kalsada.

Binigyang-diin ng batas na hindi sakop ng distracted driving ang mga motoristang hindi naman tumatakbo.

Exempted din sa distracted driving ang mga motoristang gumagamit ng cellphone para sa emergency, tulad ng emergency call sa mga awtoridad, health care provider, fire department, at iba pang emergency services.

MGA PARUSA

Narito ang parusa para sa distracted driving.

  • First offense – multang P5,000
  • Second offense – multang P10,000
  • Third offense – multang P15,000 at suspensiyon ng lisensiya hanggang tatlong buwan
  • Maaari ding ma-revoke ang driver’s license at pagmultahin nang ‘di bababa sa P20,000 matapos ang panibagong paglabag.

Nagpaalala ang LTO na ang kaligtasan ng lahat ay nakasalalay sa disiplina at tamang asal sa kalsada.

Leave a Reply