TV PATROL: Trump dadalo sa ASEAN Summit
Pormal nang bubuksan ang 49th ASEAN Summit and related summits sa Linggo kung saan libu-libong delegado ang darating sa bansa.
Ipinagmalaki ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na naging detalyado ang paghahanda sa pagtitipon, kung saan bibida ang talento at pagiging malikhain ng mga Pilipino.
Siya mismo ang nag-inspeksyon sa kahandaan ng mga pasilidad na sumailalim pa sa restoration gaya ng Philippine International Convention Center na magsisilbing venue ng top level assembly.
Sabi ni Marcos, bumuhos ang trabaho para sa mga lokal na industriya mula sa mga bumuo ng programa hanggang sa mga naghanda ng pagkain at souvenirs para sa mga bisita.
Aminado naman ang pangulo na may mga maaabala dahil sa pagtitipon kaya humingi siya ng pasensya sa publiko.
Giit ni Marcos, pagkakataon ang summit para mapag-usapan ang mahahalagang isyu na nakaaapekto sa bansa at rehiyon.
Dumipensa naman ang palasyo sa pagkukumpara sa budget ng administrasyong Marcos sa mas mababang ginastos noong ASEAN chairship ng Pilipinas sa panahon nina dating pangulong Rodrigo Duterte at Gloria Macapagal-Arroyo.
Aabot sa P22.9 bilyon ang inilaan ng gobyerno para sa hosting ng ASEAN Summit.
Kumpirmado naman ang pagdalo ni US President Donald Trump sa huling araw ng ASEAN Summit sa November 17 kung saan magkakaroon din ng ASEAN-US Special Summit.
Nagpapatrol, Harlene Delgado. TV Patrol, Huwebes, Nobyembre 12, 2026