Friday, November 13, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lider umano ng robbery-carnapping group, kasabwat patay sa engkuwentro sa Taguig

MAYNILA — Patay ang lider umano ng isang robbery at carnapping group at kasabwat nito nang makipagbarilan sa mga pulis matapos manghablot ng kuwintas sa isang karinderya sa Taguig City nitong Huwebes.

Hindi alam ng mga suspek na pulis pala ang kanilang hinoldap na nagsasagawa ng intelligence operation sa lugar.

Hawak pa ng isa sa mga nasawing suspek ang nakuha nitong gintong kuwintas nang matagpuan ang bangkay nito sa Cayetano Boulevard corner Bagong Calzada, Barangay Ususan.

Ayon sa isang empleyado ng karinderya, napansin niyang paikot-ikot at tila nagmamanman sa lugar ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Bumaba ang isa sa mga ito, pumasok sa karinderya, at sapilitang hinablot ang kuwintas ng isang lalaking nakaupo roon.

“Ah, nakaupo dito si sir. Tapos pumasok yung, umikot yung lalaki na nakapula, pumasok dito, naglabas ng baril, hinila niya yung kuwintas ni sir, pakahila niya, tinadyakan niya si sir hanggang sa nang pagbuno sila. Nung nakuha yung kwintas, tumalon na siya,” aniya.

Hindi alam ng mga suspek na pulis ang kanilang napuntirya.

Hinabol ng pulis ang dalawang suspek hanggang sa nagkapalitan sila ng putok ng baril.

Ayon kay Taguig City Police Station chief Police Colonel Julius Añonuevo, miyembro ng intelligence group na nagsasagawa ng operasyon sa lugar ang pulis na biktima ng panghahablot.

Rumesponde rin ang iba pang pulis na kasamahan nito.

“It so happenned na may nagpapatrolya na mobile car natin, ’yung 911, ’yung Unified 911 saka ’yung mga motor natin. Nandiyan, napadaan dito sa street na ’to, ng along corner ng Cayetano Boulevard. Ayun, nag-engage na sila,” ani Añonuevo.

Tinamaan naman sa kaliwang balikat ang isa sa mga rumespondeng pulis at isinugod sa ospital.

Nasawi ang dalawang suspek sa engkuwentro.

Personal na nagtungo sa crime scene sina NCRPO chief Police Brigadier General Christopher Abrahano at Southern Police District director Police Brigadier General Rodel Pastor upang kumustahin ang mga tauhang sangkot sa operasyon.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isa pang plaka ng motorsiklo, ilang piraso ng damit, at mga baril na umano’y ginamit ng mga suspek.

Nakuha rin sa bangkay ng isa sa mga suspek ang ilang alahas.

Batay sa paunang imbestigasyon, lider umano ng Santos Robbery and Carnapping Group ang isa sa mga nasawi at dati nang nasangkot sa ilang kaso ng carnapping at theft.

“Based on record, meron siyang mga series of, ah, criminal offense sa area ng, ah, Rizal. Ah, meron din siya sa mga karating lugar natin eh, dito sa NCR. So, tinitingnan pa namin yung isa. But initially identified na natin yung isa. Talagang marami siyang record,” ani Añonuevo.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng ikalawang suspek.

Ibeberipika rin sa Camp Crame ang pagmamay-ari ng mga nakuhang baril at motorsiklong ginamit ng mga suspek.

Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang sugatang pulis.

RELATED VIDEO:

Leave a Reply