Vegetable vendor na tulak umano ng droga sa palengke arestado sa Marikina
Sapul sa CCTV ang pagbebenta umano ng ilegal na droga ng isang 36-anyos na tindero ng gulay sa isang palengke sa Barangay Sto. Niño, Marikina City noong Linggo ng umaga, Nobyembre 8. Courtesy: Marikina CPS via CA SitsonMAYNILA — Sapul sa CCTV ang pagbebenta umano ng ilegal na droga ng isang 36-anyos na tindero ng gulay sa isang palengke sa Barangay Sto. Niño, Marikina City noong Linggo ng umaga, Nobyembre 8.
Sa video sa tapat ng isang puwesto sa palengke, makikita ang pag-aalok umano ng ilegal na droga ng suspek sa mga kargador. Inabot ng suspek sa isang lalaking nakasando ang sachet ng hinihinalang shabu habang nagbigay naman ng pera sa kaniya ang isa pang lalaking nakapulang t-shirt, hanggang sa sitahin sila ng may-ari ng puwesto kaya sila nagsialisan.
Dinig din sa video ang pagtaboy ng galit na stall owner sa mga lalaki.
“Hoy ako talaga nanggigigil ako sa’yo ah. Sinasabi ko sayo ah. Lumabas kayo! labas! Dito pa kayo talaga ha. Akala nyo hindi kayo nakikita ha. Kapal ng mga mukha niyo ha,” pagsita ng may-ari ng puwesto.
Nang makarating sa Marikina City Police Station ang video, agad silang nagkasa ng buy-bust operation kung saan inaresto ang suspek nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 9, matapos pagbilhan ng ilegal na droga ang isang poseur buyer.
“Talagang parang normal na sa kanya eh na umiikot na lang siya roon at hayag na hayag yung ginagawang abutan. Siya ay runner talaga ng mga ilegal na gamot,” sabi ni Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police Station.
Nasamsam mula sa suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na mahigit anim na gramo at standard drug price na mahigit P45,000, pati na ang P500 buy-bust money.
Napag-alaman ng pulisya na residente ng San Mateo, Rizal ang suspek na nagtitinda ng gulay sa palengke sa Marikina, at apat na beses nang nakulong dahil din sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Patuloy na tinutugis ng pulisya ang iba pang kasabwat ng suspek, kasabay ng panawagan sa publiko na agad itawag sa 911 ang anumang kahina-hinalang gawain sa kanilang lugar.
Balik-kulungan ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang tumanggi naman siyang magbigay ng pahayag.