Amang wanted sa umano’y pang-aabuso sa anak sa CamSur timbog sa Bulacan
Arestado ang isang 36-anyos na lalaking wanted dahil sa paulit-ulit umanong panggagahasa sa kaniyang 14-anyos na anak na babae sa ikinasang operasyon sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan noong Martes, Nobyembre 10. Courtesy: QCPD via Bea CuadraMAYNILA — Arestado ang isang 36-anyos na lalaking wanted dahil sa paulit-ulit umanong panggagahasa sa kaniyang 14-anyos na anak na babae sa ikinasang operasyon sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan noong Martes, Nobyembre 10.
Inihain ng mga awtoridad laban sa akusado ang walong warrant of arrest para sa five counts ng rape by sexual assault, two counts ng qualified rape, at paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, hepe ng La Loma Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), natunton nila ang suspek sa Bulacan kung saan ito nagtatrabaho bilang construction worker matapos makatanggap ng impormasyon sa kaniyang pinagtataguan at makakuha ng kopya ng mga arrest warrant.
“Itong operasyon na ito ay nagsimula nang makatanggap kami ng isang impormasyon na may isang lalaking wanted sa Bicol na nagtatago sa Bulacan. Nang malaman na namin yung kanyang lokasyon, dito na namin sinilbi yung walong warrant of arrest niya,” pahayag ni Aguirre.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pang-aabuso sa kanilang bahay sa Camarines Sur habang nagtatrabaho bilang overseas Filipino worker (OFW) ang ina ng biktima.
“Lumalabas sa aming imbestigasyon na maraming beses na siyang pinagsamantalahan ng kanyang ama at ang pinakahuli ay nitong Pebrero. At noong Marso naman, doon na siya nagkaroon ng lakas ng loob para isumbong sa kanyang tiyahin yung mga nangyari. Kaya doon na sila nakapagreklamo at naisampa na ‘yung kaso sa mga pulisya,” dagdag pa ng hepe.
Itinanggi naman ng akusado ang mga paratang laban sa kaniya.
“Hindi ko po yan pinagsamantalahan… Hindi ko po yan alam,” aniya.
Ilang araw na ikinulong ang akusado sa custodial facility unit ng La Loma Police Station.
Sa ngayon, nai-turnover na siya sa lokal na pulisya sa Camarines Sur para sa paglilitis matapos ang isinagawang return of warrant sa korte.