Saturday, November 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

17-anyos bali ang buto sa braso matapos umanong hampasin ng baril sa police checkpoint

MAYNILA — Nabali ang buto są braso ng isang 17-anyos na binatilyo matapos umanong paluin ng baril ng isang pulis sa isang checkpoint sa Baliuag, Bulacan.

Nangyari umano ang insidente noong Oktubre 31 sa isang checkpoint sa Pulilan-Baliuag Bypass Road.

Nagmamaneho umano ng motorsiklo ang menor de edad, angkas ang kaniyang 21-anyos na tiyuhin, nang lampasan ang checkpoint. Bigla na lang umano siyang pinalo ng isang mahabang baril sa kaniyang braso. Sinuntok din umano ang tiyuhin sa katawan.  

“Hindi po namin alam na checkpoint kasi wala naman pong nakalagay na checkpoint po,” sabi ng biktima, na noo’y pauwi matapos kumuha ng piyesa ng motor. 

Itinanggi niyang may ilegal silang aktibidad nang mangyari ang insidente.

“Natakot po ako kasi baka kung ano pa po gawin sa amin noon,” aniya. 

Dinala sa himpilan ng pulis ang dalawang magkaangkas para isyuhan ng citation ticket, saka inimpound ang motorsiklo. Pinauwi umano ang biktima nang hindi dumaan sa medical check-up sa kabila ng tinamong injury.

“Nakita ko po sa X-ray na bali po talaga ‘yong braso. Doon na po ako naiyak,” saad ni Rey Eladio Reyes, ama ng biktima. 

Kinakailangan umanong lagyan ng bakal ang braso ng biktima, na maaaring mangailangan ng malaking gastos.

Hiling ng binatilyo at kaniyang ama na mabigyan sila ng hustisya, lalo’t hindi pa rin nakikilala ang pulis na nanakit.

“Mabigat sa magulang na makita ang anak na nahihirapan,” sabi ng ama ng biktima. “Kung puwede ako na lang sana eh, ako na lang sana,” dagdag niya.

‘REASONABLE FORCE?’

Iniimbestigahan na ng Napolcom ang insidente at inaalam kung sino ang mga pulis sa checkpoint, partikular ang nanakit sa dalawang indibidwal.

Pinagpapaliwanag din ng ahensya ang provincial director ng Bulacan police at hepe ng Baliuag police station.

Aalamin din kung may pagkakamali sa panuntunan sa paglalatag ng checkpoint na naging dahilan para hindi ito mapansin.

“Kailangan mo bang hampasin ng baril para pigilan sa pagdaan sa isang checkpoint? They might be doing their job, but sobra na ba? In excess na ba? ‘Yon bang dahas na ginamit ay tama o ‘yong dahas na ginamit ay sobra-sobra? Mukhang sobra-sobra kasi baling buto ang pinag-uusapan dito,” sabi ni Rafael Vicente Calinisan, vice chairperson at executive officer ng Napolcom.

“Kung siya ay nagmamadali, kung siya ay humaharurot sa diumano’y checkpoint, hindi mo na mahahampas ‘yon,” dagdag niya. 

IBA PANG BALITA: 

Leave a Reply