Sunday, November 15, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Gaano ka-importante sa mental health ang sapat na pagtulog?

Retrato mula sa Unsplash

Ayon sa AXA Mind Health Report 2026, 31% ng mga Pilipino ang nakararanas ng kalungkutan o ang tinatawag na nasa “languishing state” at 74% rin ang nagsabing negatibong naaapektuhan ng screen time ang kanilang pagtulog. 

Dahil dito, mungkahi ni National Center for Mental Health (NCMH) at The Medical City psychiatrist na si Dr. Kristine Abary na tingnan at bigyang-pansin ang daily habits o pang-araw-araw na gawain ng mga Pilipino na maaaring makaapekto sa mental health, kabilang na ang pagtulog at paggamit ng teknolohiya.

Aniya sa naganap na AXA Mind Health Forum 2026 nitong ika-22 ng Oktubre, mahalagang magkaroon ng regular na oras ng pagtulog at paggising dahil doon raw nakakapahinga ang utak at katawan ng tao.

“It doesn’t matter if you sleep for 10 hours, but if you sleep at 5 a.m., it’s not good,” sabi ni Abary.

(Hindi mahalaga kung sampung oras ang tulog mo, pero kung 5 a.m. ka matulog, hindi maganda ‘yan.)

Dagdag pa ni Abary, makakatulong ang pag-iwas at paggamit ng gadgets bago matulog upang mabawasan ang distractions at makapagpahinga nang maayos. 

“There are healthy ways to use technology, and the key is to be intentional about how we use it.”

(May mga mabuting paraan ng paggamit ng teknolohiya, at ang susi ay ang maging maingat sa kung paano natin ito ginagamit.)

Bukod sa pagtulog, mahalaga rin sa mental health na bantayan ang oras na ginugugol sa social media, magtakda ng limitasyon sa screen time, umiwas sa content na nagdudulot ng stress, at maglaan ng oras para sa mga gawaing hindi nangangailangan ng gadgets katulad ng page-ehersisyo.

Makatutulong rin ang pakikipag-usap sa pamilya, mga kaibigan, at mental health professional kung kinakailangan.

Ibinahagi ni Mind You CEO Yuri Marshall ang datos na nakalap ng mental health platform na Mind You kung saan 50% ng mga taong humihingi ng suporta sa kanilang platform ay “in need of someone to talk to” o nangangailangan lamang ng makakausap.

Ayon kay Marshall, ipinapakita lamang nito na mahalaga ang pagkakaroon ng support system, kahit sa paaralan at sa trabaho.

“Schools and workplaces [have] to be structural. Schools need to be equipped with support systems [and] there needs to be people that you can go to in the school that’s responsible for mental health, whether it’s a registered guidance counselor,” aniya.

(Kailangang maging istruktural ng mga paaralan at sa trabaho. Kailangang may mga support system ang mga paaralan at may mga taong maaaring malapitan na responsable para sa mental health, kahit ng registered guidance counselor.)

Bagama’t maaaring makatulong ang teknolohiya at AI sa pag-unawa sa nararamdaman, hindi dapat ito kapalit ng suporta mula sa tao at propesyonal na pangangalaga.

“Technology can help someone begin a conversation, but human understanding, empathy, and professional care remain important,” sabi ni Abary.

Kung nakararanas ng patuloy na pagkabalisa, pagbabasa sa mood, o problema sa pagtulog na nakaaapekto sa pang-araw-araw na gawain, mahalagang kumonsulta sa mental health professional. 

Kung nangangailangan ng agarang tulong, maaaring tumawag sa NCMH Crisis Hotline 1553 or 1800-1888-1553, SMART/TNT: 0919-057-1553, or GLOBE/TM: 0917-899-8727 & 0966-351-4518.

RELATED VIEO

Leave a Reply