PWD patay, 41 pamilya apektado sa sunog sa Novaliches
Patay ang isang lalaki habang nagtamo naman ng mga paso sa mukha at katawan ang isa pang lalaki sa sunog na sumiklab sa Santan Street, Barangay Capri, Novaliches, Quezon City nitong Linggo ng umaga, Nobyembre 15.
Kinilala ang nasawi na si Christopher Bergado, 45-anyos at isang person with disability.
Ayon sa inang si Isabelita, galing siya sa simbahan nang mabalitaan ang nangyari sa ika-anim niyang anak. Kuwento aniya ng kaniyang apo, nakalabas na ito at iba pang tao sa bahay pero hindi umano nila napansin na bumalik ang biktima sa loob.
“No’ng dumating na imbestigador, may nakita raw sila doon sa isang bahay na akala nila bahay pero CR po yun. Ngayon, may nakakita na pumasok uli sa CR, umihi… Ibang tao nakakita yun, pumasok eh. Yung apo ko, naglabas sa kanya,” kuwento niya.
Hindi na idinetalye ang dahilan, pero ito na aniya ang ikaapat na beses na namatayan siya ng anak. Nagpapakatatag siya ngayon para sa tatlong natitirang anak.
“Pinaglabanan ko lang. Kasi andyan na yan, anong gagawin ko? Mag-iiyak man ako, magtatatalon man ako, magsisi man ako, ano pang magagawa ko? Ang inaano ko na lang, yung sinasabi na sa amin pag nagmimisa si Father, kung bigay ng Panginoon tanggapin natin. Wala tayong magagawa,” aniya.
Kuwento naman ng sugatang si Elmer Raymundo, sa kanilang bahay umano nagsimula ang sunog. Galing aniya siya sa palikuran nang makaamoy ng nasusunog kaya hinanap niya agad kung saan ito nanggaling, at pagpasok sa kanilang kuwarto ay nakita na lang niyang nasusunog na ang extension cord na matagal na nilang ginagamit.
“Hindi naman umaapoy…. pagbagsak po sa kutson… Tinanggal ko saksak lahat para hindi na kumalat yung apoy. Binalumbon ko yung kutson, inupuan ko para wala ng apoy… yung kutson, nasunog na, dumudulas na ito sa ilalim yung mga sunog na kutson. Kaya puro paso ho yung inabot ko,” kuwento niya.
Sinubukan pa umano niyang apulahin ang sunog pero mabilis na lumaki kaya wala ring naisalbang gamit ang kaniyang pamilya.
“Hindi ko na talaga kaya eh. Ginawa ko, binalya ko na lang yung bintana para makalabas ako sa kabila,” dagdag pa ni Raymundo. “Magpapaskong wala kaming ano…Tuyo. Paskong tuyo.”
Sa tala ng barangay, nasa 10 bahay na tinitirhan ng 41 pamilya o 131 na indibidwal ang apektado ng sunog na umabot sa ikalawang alarma at nirespondehan ng nasa 15 firetrucks ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Naapula ang apoy pasado alas-11 ng umaga, habang pansamantalang nananatili sa evacuation center ang mga apektadong residente.
Ayon kay Barangay Chairman Christian Cando, electrical fault wiring ang nangyari.
“Kapag may mga electrical wirings po, siguraduhin na yan po ipagagalaw natin doon sa mga marunong… dahil sa usapin na yan ay bahay at buhay ang nakasalalay,” aniya.
Tiniyak din nito ang tulong sa mga nasunugan.
“Automatically ‘yan naman po binibigyan kaagad natin ng mga food packs, ng ating mga lutong at pagkain… at nandyan din na po yung SSDD, katuwang po natin ng Mayor’s Office upang nang sa gano’n ay masuportahan kaagad natin yung pangangailangan ng ating mga resident,” dagdag nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang eksaktong sanhi at halaga ng pinsala ng sunog.