State of calamity idineklara sa Basilan kaugnay sa El Niño
BASILAN — Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Basilan kaugnay sa mahabang panahon ng tag-init.
Noong Huwebes, inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon na nagdedeklara ng state of calamity sa buong lalawigan nang dahil sa epekto ng el niño.
Ang SB resolution ay nagbibigay ng pahintulot sa paggamit ng Provincial Quick Response Fund at ang pagpapatupad ng price freeze sa lahat ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay Basilan Gov Mujiv Hataman may mga ilang barangay sa probinsya ang nauubusan na ng suplay ng tubig. Apektado na rin umano ang “Magtannah Program”, kung saan binabayaran ng probinsiya ang mga magsasaka upang magtanim ng mga cash crop.
“May mga ilan na apektado na sa tubig. Managsa-nagsa sa ilang barangay, basta apektado na almost. Pinaghahanddaan na namin, mabuti nga may pabugso-bugso pang ulan sa taas. So far wala pa (apektadong agricultural areas) , yung program naming Magtannah apektado na,” ayon kay Hataman.
Ayon kay Hataman, umorder na ng drilling machine ang LGU para masiguro ang suplay ng tubig sa mga lugar kung saan may Magtannah Program.
Ang problema, wala na umanong stock ng drilling machine sa Pilipinas, kung kaya’t kailangan nila itong bilhin mula sa China.
Ayon sa gubernador, sa ngayon kumukuha sila ng tubig sa mga surface water. Pero inaamin niyang kailangan nilang magmadali sa paghahanda upang masigurong hindi tuluyang matuyuan ng tubig ang mga taniman sa gitna ng matinding init at mahabang panahon na walang ulan.
“Kasi maaapektuhan ang food security namin,” ayon sa opisyal.