Wednesday, November 18, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

2 grupo nag-rambol sa Marikina dahil umano sa pambabastos

MAYNILA — Sapul sa cellphone video ang hampasan at habulan ng dalawang grupo ng mga lalaki na nagkagulo sa bahagi ng Bgy. Concepcion Uno sa Marikina City nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 15.

Ayon kay Barangay Concepcion Uno tanod Rio Torres, pasado alas-10 ng gabi nang mangyari ang insidente. Sakay na aniya ng police mobile ang mga ito nang kanilang respondehan ang lugar.

Sa imbestigasyon ng barangay at pulisya, mitsa ng gulo ang pambabastos umano ng isang grupo sa babaeng kasama ng kabilang panig. 

“Parang nambastos ata yung taga dito yung kabilang grupo… Ayon doon sa kwento nung kasama nilang mga babae… Tapos paglabas na raw sila ito raw yung taga-Marikina nakaupo… dun sa may parang waiting shed eh… Mga naka inom po sila,” ani Torres.

Ayon naman Police Colonel Jenny Tecson, hepe ng Marikina City Police Station, pawang mga nasa wastong gulang ang mga sangkot sa gulo na nahahati sa dalawang grupo, isang grupo na mula Antipolo City, habang ang isa pang grupong sangkot ay taga-Barangay Tumana, Marikina City.

Paglilinaw pa ng hepe, ang grupo ng mga taga-Antipolo ay dumalo sa isang selebrasyon sa Marikina. Nang maubusan aniya ng inuming alak ang mga ito, ay naghanap sila ng mabibilihan sa isang convenience store.

“Nagkataon din po during that time, iyong isa naman pong grupo na taga-Tumana ay bumibili rin sila ng alak sa same na bilihan. At ayun nga po, nagkaroon nga ng iringan dahil sa (JUMPCUT) parang nakursunadahan ng isang grupo iyong kasamahan ng taga-Antipolo,” ani Tecson.

“Nang paglabas sa convenience store, nagkaroon na nga po sila ng batuhan ng mga bote ng mismong binili nilang alak, at nagkagulo na sa lugar,” dagdag niya.

Ani Tecson, mabilis rumesponde ang pulisya dahil sa isinasagawang Oplan Galugad. Kaya agad ding dinala sa opisina ng barangay ang mga sangkot na indibidwal.

Kalauna’y nagkaayos din ang ang mga sangkot sa gulo. Wala ring ibang nasaktan sa insidente.

Nagpaalala naman ang pulisya na maging responsable sa pagiinom lalo’t kasagsagan ng bakasyon ngayon sa Metro Manila dahil sa idineklarang special non-working holiday kasabay ng 49th ASEAN Summit.

“Sana maging responsable po sila sa bawat galaw nila at nang sa ganon ay hindi rin sila nakakaabala sa ibang tao, at hindi rin nakakadulot ng takot sa mga kababayan po,” saad ni Tecson.

Leave a Reply