Tauhan ng barangay, sugatan sa rambol ng mga kabataan sa Pasig
Sapul sa video ang rambol ng mga kabataan sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 16, kung saan nasugatan ang isang rumespondeng tauhan ng barangay.
Nahuli ng mga awtoridad ang isang menor de edad matapos masugatan sa tuhod sa gitna ng batuhan ang isang miyembro ng motorcycle unit ng barangay.
“Nandito nga po ‘yung bata [na] nakagawa po ng hindi tama sa ating motorcycle [unit]. Nasugatan po ‘yung ating motorcycle na ang kanya naman pong function lamang ay mag-responde,” kuwento ni Kagawad Rose Umali, na nagsabing agad din nilang ipinasa sa pangangalaga ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ang bata hanggang sa kunin ng magulang o guardian nito.
Hindi pa matukoy ng barangay kung ano ang naging mitsa ng gulo at kung mga residente ng Pinagbuhatan ang lahat ng kabataang nakuhanan sa video.
“Hindi naman po talaga totally lahat ng gumagawa ay taga-Pinagbuhatan. Sometimes po, malalaman na lang natin na sila po ay taga-Taytay o somewhere else po… kaya dumadami po mga kaso kasi ‘pag napunta sila ng boundary po ng Lorenzo, madali po sila makatawid eh,” paliwanag ni Umali.
Dagdag ng barangay, madalas nang nasasangkot sa gulo ang mga kabataan sa kanilang lugar dahil sa impluwensiya ng mga barkada.
“Minsan po nag-umpisa lamang sa tuksuan, asaran, na nagiging physical… pangit man pong pakinggan pero as early po as 9 years old may mga bata na po na-involve,” pag-amin ni Umali.
“Ang mga kabataan po talaga ngayon… alam po nila yung kanilang batas na sila ay may karapatan at hindi daw, ang pagkakalam po nila sila ay hindi makukulong… Pero meron po tayong batas sa sinusunod na hindi porket kayo ay minor ay hindi kayo mapaparusahan po. May kaakibat po yung parusa sa bawat kabatan,” dagdag pa niya.
Para maiwasang masangkot sa gulo ang mga anak, payo ng barangay sa mga magulang na laanan pa rin sila ng sapat na oras sa kabila ng pagiging abala.
“Hinikayat ko po minsan ang mga magulang na bigyan po nila ng oras o laanan ng oras sa mga bata, kahit man lang po sa isang araw, bigyan niyo po ng 10-15 minutes alamin ano po yung nangyayari sa kanila ba’t labas [ng] labas ng bahay. Dahil kadalasan po, sa kaibigan po sila nakakahanap ng kakampi,” paalala nito.
Walang naghain ng reklamo kaugnay ng rambol kaya mas paiigtingin na lamang umano ng barangay ang kanilang pagpapatrolya upang maiwasang maulit ang anumang gulong kinasasangkutan ng mga kabataan.