TV PATROL: Mga damit na gawang Pinoy bida sa ASEAN gala dinner
Nagmistulang isang malaking runway ang gala dinner na dinaluhan ng ASEAN at global leaderskung saan bumida ang mga damit na gawang Pinoy.
Hindi lang sa diplomasya sumentro ang 49th ASEAN Summit, kundi maging sa makulay na kulturang Pinoy at pagkamalikhain ng mga Pilipino.
Sa gala dinner na inorganisa nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos Lunes ng gabi, bumida ang tradisyonal na kasuotang Pinoy.
Ang mga lider ng ASEAN at dialogue partners, barong, Filipiniana at baro’t saya ang suot na may iba-ibang disensyo.
Ang kilalang fashion designer na si Francis Libiran ang nagdisenyo sa Filipiniana ni First Lady Marcos.
Ang kulay asul na burda, pagbibigay pugay aniya sa pilipinas bilang pulu-pulong isla na pinagkakaisa ng karagatan.
Pinagsamang Filipino at Indonesian heritage naman ang inspirasyon ng fashion designer na si Kenny Ladaga sa barong ni Indonesian President Prabowo Subianto.
Gawa ito sa piña silk at tampok ang ‘batik parang’ embroidery na isang Indonesian traditional motif.
Ang beadwork traditions naman ng Bagobo-Tagabawa ng Mindanao ang binigyang buhay ng fashion designer na si Wilson Ninofranco Limon at master artisan Bae Arlyne Salazar sa barong na sinuot ni Cambodian deputy prime minister Dr. Hang Chuon Naron.
Maging ang eleganteng kasuotan ng mga sumalubong sa mga bisita, gawa ng Laguna-based designer na si Louis Pangilinan.
Gawa naman ni National Artist for Design Patis Tesoro ang barong nina Brunei sultan Hassanal Bolkiah at anak niyang si Prince Abdul Mateen.
Nagpapatrol, Harlene Delgado. TV Patrol, Martes, 17 Nobyembre 2026