Carnapper patay sa engkwentro sa Las Piñas
Patay sa engkwentro ang isang lalaking nagnakaw ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Gatchalian Road, Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City noong Martes ng madaling araw, Nobyembre 17. Courtesy: SPD via Bea CuadraMAYNILA — Patay sa engkwentro ang isang lalaking nagnakaw ng motorsiklo matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Gatchalian Road, Barangay Manuyo Dos, Las Piñas City noong Martes ng madaling araw, Nobyembre 17.
Batay sa imbestigasyon, ang napatay na suspek ang responsable sa pagtangay sa motorsiklo ng isang empleyado ng spa sa lungsod.
Ayon kay Col. Fermin Damiago Armendarez III, acting chief ng Las Piñas Police, unang nagpaputok ng baril ang suspek nang makorner ito kaya gumanti ang mga rumespondeng pulis.
“Tamang-tama noong papunta na ‘yung sasakyan, nag-evade, revealing the same description as given by the victims… Papunta siya doon sa Gatchalian Road… ‘yung Gatchalian Road e sarado during that time, at around 2:10 in the morning. Nag-U-turn siya, binaril ‘yung pulis. Nag-fire back ‘yung pulis. Tinamaan sa katawan e, sa [dibdib],” kuwento ni Armendarez.
Dead on the spot ang suspek, na bago ang shootout ay nakuhanan pa sa CCTV ang pagtutok ng baril sa biktima nito.
Kuwento ng biktima, kababalik lang niya sa pinapasukang spa kasama ang dalawang katrabaho nang lapitan sila ng suspek. Pagkatangay nito sa kanyang motorsiklo, doon na aniya siya nakahingi ng tulong sa nagrorondang mga pulis.
“Sabi sa akin, ‘Holdap ‘to, umakyat ka doon sa taas.’ Bale ‘yung dalawa kong kasama tumakbo na sa taas kasi nakita na nilang may baril… umakyat na rin ako pataas,” kuwento ng biktima. “Buti na lang may dalawang pulis na nagroronda dito. Kaya dali-dali po akong bumaba para sabihin sa kanila ‘yung nangyari.”
Narekober ng mga pulis ang isang kalibre .38 revolver na hawak pa ng napatay na suspek.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan at iba pang posibleng krimen ng suspek, lalo’t napag-alaman nilang dati na itong may record ng kasong carnapping at ilegal na droga.