‘Kahit luma, mahal ko ‘yon’: Motorsiklo ng lolo tinangay ng 3 lalaki sa Antipolo
Sapul sa CCTV ang pagtangay ng tatlong lalaking sakay ng motorsiklo sa nakaparadang motorsiklo ng isang senior citizen sa tapat ng tindahan sa Nazarene Ville, Barangay San Roque, Antipolo City, Rizal noong Lunes ng madaling araw, Nobyembre 16. Contributed via Christopher SitsonMAYNILA — Sapul sa CCTV ang pagtangay ng tatlong lalaking sakay ng motorsiklo sa nakaparadang motorsiklo ng isang senior citizen sa tapat ng tindahan sa Nazarene Ville, Barangay San Roque, Antipolo City, Rizal noong Lunes ng madaling araw, Nobyembre 16.
Sa video pasado ala-1:00 ng madaling araw, pumarada ang mga suspek sa unahan ng tindahan. Ilang minuto silang nagmasid hanggang sa bumaba ang rider, nilapitan, at inangkasan ang target na motorsiklo.
Habang naninigarilyo, kinalikot ng suspek ang wire sa ibaba ng susian kaya mabilis niya itong napaandar at tuluyang natangay kasunod ng mga kasabwat.
Katas ng pagiging tricycle driver ng 69-anyos na biktima ang ninakaw na motorsiklo na nasa mahigit P60,000 ang halaga, kaya labis ang panghihinayang niya rito. Umaga na aniya napansin na nawawala na ang kanyang sasakyan.
“Sabi ko, ‘patay, carnap na’… Kahit luma, mahal ko ‘yon. Wala na ako magawa. Matanda na nga ako eh, service namin mag-asawa ninakaw na lang,” saad ng biktima. “Desidido kaming kasuhan siya para hindi pamarisan ng iba.”
Nai-report na ng biktima sa barangay ang insidente. Ayon kay Manuel Mauricio, desk officer ng barangay, nagsasagawa na rin ang pulisya ng backtracking sa mga kuha ng CCTV para matukoy ang direksyong tinahak ng mga suspek.
“Maaari pong dayo dahil hindi po pamilyar sa amin yung mukha nung may dala ng motor… Pinaalalahanan kayo ng gobyerno na pumarehas kayo ng laban at gumawa nang tama,” ani Mauricio.
Pinaigting na ng barangay at pulisya ang pagroronda sa lugar kasabay ng paalala na ingatan ang mga gamit dahil naglipana ang mga kawatan lalo ngayong abala ang publiko dahil sa holidays.