Bagong silang na sanggol natagpuang patay sa ilog sa Isabela
ABS-CBN News/FileSAN PABLO, Isabela — Natagpuan ang isang patay ng sanggol sa ilog na sakop ng Barangay Auitan, San Pablo, Isabela noong Linggo ng umaga, Nobyembre 15.
Ayon kay Police Captain Pedro Allam, hepe ng PNP San Pablo, isang mangingisda ang unang nakakita sa bangkay ng sanggol na babae bandang 9:17 ng umaga.
“Malapit na sa pampang, nasa may tubig miso. Walang damit ‘yung sanggol,” sabi ni Allam.
Nakakabit pa ang umbilical cord ng sanggol kaya hinala ng pulisya na bagong silang lamang ito.
“Sa assessment ng doctor, parang hours pa lang [nung pinanganak],” ani Allam.
Tinitingnan ng pulisya ang posibilidad na naanod o sadyang iniwan ang sanggol sa ilog.
Agad din inilibing sa pampublikong sementeryo ang sanggol na pinangalanang “Maria.”
Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang magulang o taong nag-iwan sa sanggol.