Friday, November 20, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki arestado sa umano’y panggagahasa sa 12-anyos stepdaughter sa Pateros

Arestado ang isang 34-anyos na lalaki dahil sa umano’y panggagahasa sa kaniyang 12-anyos na stepdaughter sa Pateros, Metro Manila. Courtesy: Pateros MPS/SPD via Eon Sanchez

MAYNILA — Arestado ang isang 34-anyos na lalaki dahil sa umano’y panggagahasa sa kaniyang 12-anyos na stepdaughter sa Pateros, Metro Manila.

Ayon kay Pateros Municipal Police Station Officer-in-Charge Police Colonel Samuel Pabonita, unang iniulat sa pulisya ng tiyahin ng biktima ang insidente noong Nobyembre 18, bandang alas-7 ng gabi.

Batay sa paunang imbestigasyon, iniwan ng tiyahin ang bata sa bahay ng kaniyang ina upang makasama ito. Ngunit dahil may binibili ang ina ng biktima, naiwan ang menor de edad kasama ang kaniyang stepfather.

Ayon kay Pabonita, dito umano sinamantala ng suspek ang pagkakataon upang abusuhin ang bata.

Napag-alaman din ng pulisya na hindi lamang isang beses nangyari ang pang-aabuso.

“Napag-alaman natin na ito pala ay nangyari na rin noong November 7. Ayon sa kwento ng biktima ay ginawan na rin siya ng panghahalay noong Nov. 7 bandang alas-3 ng hapon. Noong panahon na iyon, yung nanay ng biktima ay nasa trabaho. Bandang alas-7 ng gabi, nandoon na yung nanay, nasa bahay na. Kaya lang, nakaano pa rin yung suspek at hinipuan na naman din yung biktima,” ani Pabonita.

Dagdag pa ng opisyal, tatlong beses umanong inabuso ang bata noong Nobyembre 7, kabilang ang isa pang insidente bandang alas-7:40 ng gabi.

“Base naman sa interview namin doon sa biktima, unang nangyari yung panghahalay noong Nov. 7 lang,” ani Pabonita.

Sa kabuuan, apat na beses umanong nangyari ang pang-aabuso, kabilang ang pinakahuling insidente noong Nobyembre 18.

Ayon pa sa pulisya, tatlong taon nang nagsasama ang suspek at ang ina ng biktima.

Nasa kustodiya na ng Pateros Municipal Police Station ang suspek at inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997 para sa inquest proceedings sa Rizal Prosecutor’s Office. 

Wala namang naitalang anumang naunang kaso o police record ang suspek, ayon sa pulisya.

Samantala, sinabi ni Pabonita na isinailalim na sa medico-legal examination ang biktima at lumabas sa resulta na may laceration ito.

Ayon sa opisyal, nasa pangangalaga na ng tiyahin ang bata at nakatakdang i-turn over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang suporta matapos ang inquest proceedings.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

“Hindi po. Napagbintangan lang po,” giit ng suspek.

Iginiit din niyang hindi niya kailanman ginalaw ang bata at pinagalitan lamang umano ito dahil oras na ng pagtulog.

“Ang hiling ko po, para malinis po yung pangalan ko, yung parehas kaming magpamedical sa isang doktor para magkaalaman kung ginalaw ko o hindi. Kasi sa totoong buhay lang po, kahit na isang beses, hindi ko pa po nagagalaw. Napagalitan, oo. Turing ko na po sa kanya parang anak na rin po,” aniya.

         
           

Leave a Reply