Bangkay na nakasako, nadiskubre sa San Juan River; 2 suspek sa pagpatay, arestado
MAYNILA — Arestado ang dalawang lalaki sa pagpatay umano sa kanilang kainuman, na kanilang isinilid pa sa sako at itinapon sa ilog ng San Juan City.
Ayon kay Police Colonel Anthony Gantang, hepe ng San Juan City Police Station, nadiskubre noong Miyerkules ang bangkay ng biktima na lumulutang sa San Juan River, sa ilalim ng Lambingan Bridge sa Aurora Boulevard.
Sa pag-iimbestiga, huling nakita sa CCTV ang biktima sa A. Luna Street kasama ang mga umano’y nakainuman niya.
“Meron po tayong witness na nag-confirm na ‘yong victim natin at mga suspect ay magkakasama,” ani Gantang.
“Ito pong mga suspect natin at saka ‘yong victim ay magkakakilala saka ‘yong witness. ‘Yong dalawang suspect, magkasama sila sa trabaho sa isang construction company. Ito namang witness ay meron siyang barong-barong, doon tumatambay ang victim. Nag-inuman sila, lumalabas na sila ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo at doon nangyari ang insidente ng pagpatay,” dagdag niya.
Sinasabing napatay sa saksak ang biktima pero hinihintay pa ang resulta ng otopsiya.
Nakita rin sa CCTV ang isa sa mga suspek na wala nang damit pang itaas at may dalang sako.
Sa sakong ito umano isinilid ang biktima bago itinapon sa ilog.
“Lumalabas ‘yong sakong dala ng isang suspek natin ay ‘yon ang ginamit nila. At ‘yon din ang sinabi niya na doon nila nilagay ‘yong victim natin noong tinapon nila. Hindi naman nila nailagay ng buo, nakalabas daw ‘yong paa,” ani Gantang.
Nahuli naman sa magkahiwalay na lugar ang dalawang suspek.
Ikinulong sila sa San Juan Police Station, habang inihahanda ang kasong murder laban sa kanila.