Bangkay ng lalaking palutang-lutang sa Manila Bay, natagpuan sa Navotas
Retrato ng Bgy. Tangos North, Navotas CityMAYNILA — Natagpuang patay at palutang-lutang sa laot ng Manila Bay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki bago ito dinala ng mga mandaragat sa punduhan o fish landing site sa Barangay Tangos North, Navotas City.
Batay sa ulat ng barangay, unang namataan ng ilang mandaragat ang bangkay at dinala sa punduhan bandang alas-9:00 ng umaga noong Martes, Nobyembre 17.
Alas-12:50 na ng madaling araw ng Miyerkules, Nobyembre 18, nang umano sila makatanggap ng abiso mula sa kanilang action center.
“November 17, meron na pong nakuhang patay sa punduhan kaya lang, nag-chat po yung action center namin sa ganap na 12:50 ng madaling araw kaya November 18 na po [naka-responde],” ayon kay Ramil Agsalud, desk officer ng Barangay Tangos North.
Pagdating ng mga barangay tanod sa lugar, nakadapa na ang bangkay sa may pampang habang nakalubog naman sa tubig ang ulo nito.
“Saka medyo lobo na siya,” ayon kay Marites Imperial, isa sa mga rumespondeng barangay tanod.
Tinatayang nasa 40-anyos ang biktima na nakasuot ng asul na sando at asul na shorts. Walang nakitang anumang palatandaan sa katawan ng lalaki gaya ng tattoo at nunal na maaaring makatulong sa pagtukoy sa kanyang pagkakakilanlan.
“Parang hindi po kasi siya taga-rito sa lugar namin. Napadpad lang po siguro siya doon sa laot kaya dinala dito ng mga mandaragat,” dagdag ni Imperial.
“Marami nagtatanong kung kilala raw yung patay sabi ko hindi ko kilala. Hindi ko ho talaga kilala dahil lobong-lobo na yung patay tsaka may amoy na, mabaho na siya,” ayon naman sa fish vendor na si Donnabell Santiago.
Matapos maiproseso sa punerarya, pansamantalang dinala ng city hall action center ang bangkay habang wala pang umaakong kaanak nito.
Nanawagan naman ang barangay sa sinumang may nawawalang kaanak na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki.
“Sa mga kababayan natin na kung sakaling may nawawalan sa kanila na kamag-anak, pwede po sila pumunta dito sa Barangay Tangos North para malaman kung sino [ito],” ani Imperial.