22 sakay, kabilang ang mga turista, nailigtas sa nasiraang motor banca sa Coron
Rescue operation para sa MBCA Ocean’s Wanderer sa Coron Bay, Nobyembre 19, 2026. Retrato mula sa Coast Guard District-PalawanMAYNILA — Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 22 sakay ng motor banca na MBCA Ocean’s Wanderer matapos itong masiraan ng makina 7-nautical miles mula sa Coron Bay nitong gabi ng Huwebes, Nobyembre 19.
Nakatanggap ng distress call ang Coast Guard Station North Eastern Palawan bandang alas-10:55 ng gabi at agad na nagpadala ng rescue team.
Bandang alas-11:49 ng gabi nang mamataan ang palutang-lutang na bangka, nailipat ang mga pasahero at tripulante, at nahila ang motorized banca pabalik sa Port of Coron pasado alas-12:33 ng madaling araw nitong Biyernes.
Ligtas at nasa maayos na kondisyon ang lahat ng nasagip na binubuo ng mga Pilipino at dayuhang turista.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na galing sa El Nido ang bangka at hindi na nakausad matapos masira ang rope link sa propeller shaft nito.
Inimbitahan na sa himpilan ng PCG ang kapitan at mga tripulante para sa karagdagang pagsisiyasat.