Hanging bridge sa Baler, Aurora bumigay habang tumatawid ang ilang turista
Bumagsak ang isang hanging bridge habang tumatawid ang ilang turista sa Bgy. Zabali, Baler, Aurora, magtatanghali nitong Biyernes, Nobyembre 20.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, napatid ang isang kable na nagdudugtong sa tulay na dahilan nang pagbagsak nito.
Tiyempong nangyari ito habang dumaraan ang 15 turista na pawang magkakamag-anak at nagmula pa sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Nahulog sa ilog ang ilan sa kanila, habang ang iba ay nakakapit sa kable.
Dalawa sa mga turista ang nagtamo ng sugat.
Dahil sa insidente, napipilitan ngayong dumaan sa highway ang mga residente upang makarating sa Poblacion.
Malaking abala ito dahil nadagdagan nang halos 20 minuto ang kanilang biyahe.
Ayon sa pamunuan ng barangay, ang kalumaan nito ang nakikitang dahilan ng pagbagsak ng tulay. – Ulat ni Cezar Galasi, ABS-CBN News