Sunday, November 22, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Lalaki patay, 250 pamilya apektado sa sunog na tumupok sa 85 bahay sa Sta. Mesa

MAYNILA — Patay ang isang 36-anyos na lalaki habang tinatayang 250 pamilya o 1,200 indibidwal ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Road 13, Sta. Mesa, Manila nitong Sabado, Nobyembre 21.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, tinatayang 85 bahay ang natupok sa sunog na nagsimula alas-4:20 ng hapon at umabot sa ikatlong alarma alas-5:01 ng hapon bago tuluyang naapula alas-10:09 ng gabi.

Kinilala ng Manila Fire District ang nasawi bilang isang trabahador sa isang logistics company na off-duty at natutulog umano nang mangyari ang insidente. Wala namang naitalang iba pang nasugatan.

Ayon kay Fire Senior Inspector Sanny Lacuban, chief of investigation ng Manila Fire District, nasa ikaapat na palapag ng bahay ang kwarto ng biktima ngunit natagpuan na lamang ang katawan nito sa ground floor. Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima na nanggaling pa ng Laguna.

Sinabi ni Lacuban na nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa sikip ng mga eskinita, kaya kinailangan pang itaas ang alarma para sa karagdagang tauhan at suplay ng tubig.

“Medyo nahirapan kami dahil wala kaming mapasukan na iba kundi yung [magbutas] kami na daraan sa pader ng isang compound ng yard ng container vans,” ani Lacuban.

“Kailangan itaas ang alarma dahil congested itong lugar na ito. … [Kinailangan] namin ng karagdagan na supply ng tubig,” dagdag niya.

Samantala, namahagi na ng hot meals ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa mga apektadong residente. Ayon kay Glaiza Villa, officer-in-charge ng District 6 ng MDSW, ginamit na pansamantalang evacuation center ang ikatlong palapag ng barangay hall habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa Pio del Pilar Elementary School para sa dagdag na matutuluyan.

Kuwento ni Regina Bella, isa sa mga nasunugan, kakauwi lang nila mula sa simbahan nang sumiklab ang apoy at wala silang naisalba dahil sa pagmamadaling mailigtas ang kanyang mga anak sa makipot nilang daanan.

“Bigla may nagsasabi sa amin may sunog! Naisip ko baka may mangyari sa mga anak ko, baka may magtulak-tulak sa kanila. Lumabas na kami kasi maliliit ang dadaanan namin,” sabi ni Bella.

“Tinawag ko ang kapitbahay ko na lumabas na rin kasi nasa dulong-dulo kami. Kung may tutulong sa amin kahit pinansyal lang po kasi wala kaming gamit, wala kaming dala-dala,” dagdag niya.

Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsala.

IBA PANG ULAT: 

Leave a Reply