P500K shabu nasabat sa Novaliches, 3 suspek arestado
Arestado ang dalawang lalaki at isang babae matapos mahulihan ng tinatayang 74 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P503,200 sa isang buy-bust operation sa Barangay Nagkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 20.
Kabilang sa mga naaresto ang mag-live-in na edad 30 at 34, at ang isang 40-anyos na lalaki na itinuturing na supplier o source ng ilegal na droga.
Ayon kay PLt. Col. Rolando Baula, Station Commander ng Novaliches Police Station, nagkasa sila ng operasyon matapos isumbong ng mga opisyal ng barangay ang kahina-hinalang mga tao sa lugar.
“Actually, nag-feedback sa amin ‘yung mga barangay officials na maraming pumupuntang mga parokyano doon na hindi kilala. So, nagkaroon sila ng hinala,” pahayag ni Baula.
Sa ikinasang operasyon, nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis at nakabili ng P4,500 halaga ng shabu mula sa mag-live-in.
Naaktuhan din sa lugar ang 40-anyos na suspek na umano’y nagbebenta rin ng droga.
“‘Yung mag-live-in partner, nagtutulak. Tapos ‘yung isa, ‘yung source nila, so happened na nandoon din na nagmamarket din,” dagdag pa ni Baula.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa North Caloocan ang suplay ng droga ng mga suspek at ibinebenta nila ito sa kanilang barangay maging sa mga kalapit na lugar sa hangganan ng Caloocan.
Napag-alaman din na dati nang may mga kasong carnapping at robbery ang 30-anyos na suspek, habang may mga dati namang rekord sa droga, carnapping, robbery, at pagsusugal ang 40-anyos na lalaki.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa Custodial Facility Unit ng Novaliches Police Station. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.