TV PATROL: 2 babaeng tumangay sa cellphone na ibinebenta ng online seller arestado
Walang kawala ang dalawang babae na sangkot umano sa pagtangay sa mamahaling cellphone ng isang online seller matapos maharang ang kanilang sinasakyang kotse sa Santo Tomas City, Batangas.
Kasama pa ng isa sa mga suspek ang kaniyang anak.
Nabawi sa mga suspek ang cellphone na ibinibenta ng biktima.
Sa imbestigasyon, nag-chat ang isa sa mga suspek sa online seller dahil interesado umano ito na bumili ng cellphone na nakapost sa social media page ng biktima.
Nagkasundo ang biktima at mga suspek na magkita sa isang bahay sa Barangay Balintawak.
Ang hindi alam ng biktima, isa pala itong transient house na nirentahan lamang ng mga suspek.
Habang sinusuri umano ng mga suspek ang cellphone ay magkasunod na nagpaaalam ang mga suspek na hindi naman pinaghinalaan agad ng biktima.
Tumakas na pala ang mga suspek bitbit ang cellphone na nasa P80,000 ang halaga.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang mga suspek na sinampahan na ng reklamong estafa.