Monday, November 23, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Senior citizen patay matapos sampalin ng nakaaway sa QC

Patay ang isang senior citizen matapos sampalin ng nakaalitan nitong kapwa tricycle driver sa Quezon City, ayon sa pulisya.

Pinagbintangan umano ng suspek ang biktima na kumuha ng bag na naglalaman ng mahigit P1,000.

Kusang sumuko ang suspek matapos lumabas sa CCTV ang ginawa nitong pananakit sa biktima.

Makikita sa kuha ng CCTV na may bula pa sa katawan ang suspek na si alyas “Jojo” habang nakikipagtalo sa biktimang si Cecilito Nerza sa kanto ng Kundiman at Ilagan Street sa Barangay Paltok noong gabi ng Nobyembre 15.

Nasa kalagitnaan kasi umano ng pagligo ang suspek nang magkaroon sila ng pagtatalo. Sinundan pa nito ang biktima sa pila ng mga tricycle para kumprontahin.

Pinagbibintangan ni Jojo ang matanda na kumuha ng bag ng isang kaibigan na may lamang humigit-kumulang P1,300, Ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

“Ang sabi po nung suspek hindi daw po inaamin nitong biktima na siya ang kumuha. Kaya lang itinuturo daw po niya kung nasaan yung bag. So, parang yun yung naging argument po nila,” sabi ni Maj. Jennifer Gannaban ng QCPD Public Information Office.

Lalo pang uminit ang kanilang pagtatalo hanggang sa sampalin ng suspek ang nakatatandang lalaki.

Dahil sa lakas ng sampal, bumagsak ang biktima at nawalan ng malay.

Agad namang umalis ang suspek na para bang walang nangyari.

Isinugod sa ospital si Nerza pero binawian din ng buhay kinabukasan dahil sa pinsala sa ulo.

Ayon Gannaban, nagtamo ng hematoma sa utak ang biktima matapos tumama ang ulo nito sa pagbagsak.

“’Yong pagkabagok po niya, tumama po yung ulo niya at do’n po nagkaroon ng hematoma doon sa brain. So, parang brain injury po. So, yun ang naging cause of death according po doon sa death certificate niya,” sabi ni Gannaban

Ayon sa anak ng biktima na si Ma. Christina Nerza, nakatakda sanang umuwi sa Antipolo ang kanyang ama kinaumagahan pero hindi na ito nangyari dahil sa insidente.

“Tapos dapat po kinaumagahan uuwi yun dito. Pero hindi na umabot dahil sa ginawa nung hayop na Junjun na yun. Mabulok siya sa kulungan. Lakas-lakas pa ni Papa,” sabi ni Nerza.

Matapos makita ang sarili sa CCTV footage, kusang sumuko ang suspek sa barangay at kalaunan ay itinurnover sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD sa Camp Karingal.

Nais ng pamilya na panagutin ang suspek sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

“Mabulok siya sa kulungan. Yun lang po yung gusto namin,” sabi niya.

Tiniyak din ng anak na itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso dahil buhay ang nawala sa kanilang pamilya.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya at nahaharap na sa kasong homicide.

Leave a Reply