Wednesday, November 25, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

P500,000 halaga ng ilegal na paputok, nasabat sa Tondo; 7 arestado

MAYNILA — Nasa kalahating milyong piso ang halaga ng mga ilegal na paputok na nasabat ng Manila Police District sa isang bahay sa Tondo, Maynila.

Arestado ang pitong indibidwal, kabilang ang isang menor de edad, matapos maabutan umanong gumagawa at nag-aassemble ng mga paputok sa loob ng bahay.

Natuklasan ng mga tauhan ng MPD Station 12 ang ilegal na pagawaan sa Parola Compound sa Barangay 20, madaling araw nitong Lunes.

Kahon-kahon ng mga paputok at mga sangkap sa paggawa nito ang nakumpiska sa operasyon.

Itinago pa umano sa mga kahon ng sigarilyo ang ilang paputok upang hindi mapansin ng mga otoridad

Ayon sa MPD, nagsimula ang pagkakatuklas sa ilegal na pagawaan habang nagsasagawa ng surveillance ang mga tauhan ng Delpan Sub-Station.

Napansin umano ng mga pulis ang isang suspek na nagkakarga ng mga kahina-hinalang kahon sa isang tricycle.

Nakalitaw pa sa isa sa mga kahon ang mga patpat na pinaghihinalaang mga ilegal na paputok na kwitis.

Sinundan ng mga pulis ang suspek hanggang sa matukoy ang bahay na pinagmumulan ng mga kahon.

“At nakita niya nga na may mga ina-assemble na mga paputok doon sa loob ng bahay, kung saan tumawag siya ng backup doon sa station at dumating nga yung mga pulis din natin doon,” ayon kay PMaj Philipp Ines, tagapagsalita ng MPD. 

Ilang minuto pa ang lumipas nang dumating sa lugar ang nagpakilalang may-ari ng bahay. Wala umano itong naipakitang lisensya at permit to operate kaya agad na inaresto.

“Doon sa estimate natin na amount nung mga nakumpiska ng mga ilegal na paputok, mga mahigit kumulang mga kalahating milyon. Inaalam pa natin kung saan galing itong mga ilegal na paputok na ’to at malaman natin sino yung mga nagsu-supply sa kanila,” sabi ni Ines. 

Lalo pang nagdudulot ng pangamba ang pagkakatuklas sa ilegal na pagawaan dahil nasa loob ito ng isang residential area.

Babala ng MPD at Bureau of Fire Protection, maaaring magdulot ng malaking aksidente ang paggawa at pag-iimbak ng mga paputok sa mga lugar na hindi nakatalaga para rito.

“So, ino-observe yan kasi may tamang distansya dapat sa mga residential area,” sabi ni FSupt Anthony Arroyo, tagapagsalita ng BFP. 

“Kasi hindi sinunod yung proper fire safety na pwedeng magdulot na explosion o di kaya yung handling ng mga firecrackers. Kasi ’pag once yung mga powder na yan ay nabasa, halimbawa nagkaroon ng moisture nagkakaroon na siya ng chemical reaction,” dagdag ni Arroyo. 

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga naarestong suspek.

Nakasampa na sa kanila ang kasong paglabag sa Republic Act 7183 o Philippine Firecracker Law.

Nakapiit na sila ngayon sa custodial facility ng MPD Station 12.

Leave a Reply