TV Patrol: DOLE nagpaalala sa mga employer na agahan ang pagbibigay ng 13th month pay
Pinaalala ng Department of Labor and Employment sa mga kumpanya na obligasyon nilang ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga empleyado.
Sabi ng Employers Confederation of the Philippines, marami na sa kanilang mga miyembro ang nagkusang magbigay nito nang mas maaga sa itinatakda ng batas.
Batid din ng samahan na may mga kumpanyang posibleng hindi pa nakapagbibigay ng 13th month dahil na rin sa mga hamon sa negosyo ngayong taon.
Pero may panahon pa naman para maibigay ang 13th month pay ng mga manggagawa.
Sabi ng DOLE dapat maibigay sa mga manggagawa ang kanilang 13th month pay on or before December 24.
Pero kung kaya din naman ng employer na mas maaga, mas maganda para makapagplano nang mas maaga sa pagba-budget.
Ayon sa labor department, bukas ang kanilang hotline number 1530 para sa anumang reklamo o tanong patungkol sa paggawa gaya ng hindi pagbibigay ng employer ng 13th month pay.
Samantala nitong Miyerkules, inaprubahan na rin ng national wages and productivity commission ang umento sa sahod ng mga minimum wage earners sa Ilocos Region at Cagayan Valley.