5 timbog, mahigit P200K shabu at baril nasamsam sa buy-bust sa Marikina
MAYNILA — Arestado ang limang katao at nakumpiska ang mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu at isang baril sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Malanday, Marikina City, nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa Eastern Police District (EPD) Drug Enforcement Unit, kabilang sa mga nahuli ang isang 41-anyos na babae na nasa kanilang Street-Level Individual (SLI) list at apat pang suspek na may edad 38, 38, 47, at 58.
Nakuha sa mga suspek ang anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 31.16 gramo, isang kalibre .22 na baril, buy-bust money, isang coin purse, at isang belt bag.
Batay sa imbestigasyon, matagal nang minamanmanan ang lugar kasunod ng mga reklamo mula sa komunidad at nagpositibo rin sa isinagawang test-buy. Ginagamit umano ng 41-anyos na pangunahing suspek ang kaniyang tindahan bilang front sa pagbebenta ng ilegal na droga.
Itinanggi naman ng 41-anyos na babae ang paratang. Samantala, iginiit ng 58-anyos na kasambahay na wala siyang kinalaman sa krimen.
“Hindi po. Bigla na lang nagkagulo e. … Hindi ako nagamit,” pahayag ng kasambahay.
Ayon din sa pulisya, nagbiro pa umano ang isa sa mga 38-anyos na suspek na “nakakapogi” ang paggamit ng droga, bagay na kaniya ring itinanggi. Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang iba pang naaresto.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2013), habang isasailalim naman sa laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensya.
Hinikayat ng EPD ang iba pang sangkot sa ilegal na droga na sumuko na habang pinaigting nila ang kanilang kampanya kontra droga.