Friday, November 27, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

ALAMIN: Mga paalala upang makaiwas sa panganib ng El Niño

Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at sundin ang ilang hakbang upang maiwasan ang mga panganib na dala ng matinding init. Jonathan Cellona, ABS-CBN NewsMAYNILA — Sa gitna ng El Niño, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at sundin ang ilang hakbang upang maiwasan ang mga panganib na dala ng matinding init.

Narito ang ilang paalala upang maprotektahan ang sarili at pamilya ngayong El Niño, ayon sa Department of Health.

1. Panatilihing ligtas ang pagkain

Ubusin agad ang mga lutong pagkain dahil maaaring mapabilis ng matinding init ang pagkasira nito.

Siguraduhing malinis ang tubig na ginagamit sa paghuhugas ng pagkain, kamay at mga kagamitan. 

Pakuluan muna ang inuming tubig kung hindi tiyak ang kalinisan nito.

2. Protektahan ang sarili laban sa alikabok at usok

Maaaring dumami ang alikabok sa tuyong panahon na dulot ng El Niño at posibleng magpalala ng hika at iba pang sakit sa paghinga.

Pinapayuhang magsuot ng angkop na mask at bawasan ang paglabas kapag mausok o maalikabok ang hangin, lalo na sa tanghali.

3. Mag-ingat laban sa heat exhaustion at heat stroke

Dahil sa mataas na temperatura, mahalagang bantayan ang mga sintomas ng heat-related illnesses o mga sakit na dulot ng matinding init.

Kabilang dito ang heat exhaustion na maaaring magdulot ng panghihina, sobrang pagkapagod, pagkahilo o pakiramdam na mahihimatay, pamumulikat, pagduduwal at labis na pagpapawis.

Samantala, kabilang sa mga palatandaan ng mas seryosong kondisyon na heat stroke ang pagkawala ng malay, sobrang init ng katawan, hirap sa paghinga, pagkalito, hindi malinaw na pananalita at kombulsyon.

Upang makaiwas sa mga ito, pinapayuhang magsuot ng manipis, presko at light-colored na damit.

Mahalaga ring limitahan ang mabibigat na aktibidad sa oras na tirik ang araw.

Kung may makitang palatandaan ng heat stroke, tumawag agad sa National Emergency Hotline 911 o dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na health facility.

4. Iwasan ang dehydration

Dahil sa matinding init at labis na pagpapawis, mas mabilis mawalan ng tubig ang katawan.

Pinapayuhang uminom ng walo hanggang 10 baso ng tubig sa araw-araw. 

Kahit hindi nauuhaw, ugaliing uminom nang regular upang makaiwas sa dehydration at iba pang heat-related illnesses. 

PANOORIN:

Leave a Reply