Saturday, November 14, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Babae at 15-anyos na binatilyo patay sa pamamaril sa Quirino Highway, Caloocan

MAYNILA — Dead-on-the spot ang isang 41-anyos na babae at 15-anyos na binatilyo matapos pagbabarilin sa bahagi ng Quirino Highway, Barangay 181, Caloocan City, noong Lunes ng gabi, Setyembre 21.

Sa isang video pasado alas-7:00 ng gabi, makikitang nakahandusay sa harapan ng isang van ang mga biktima na pawang may mga tama ng bala sa katawan.

Ayon kay Romeo Indelible, Deputy Barangay Public Safety Officer ng Barangay 181 Annex, residente nila ang babae habang inaalam pa kung taga-saan ang menor de edad at kung ano ang ugnayan ng dalawa.

“Nag-assist po kami pumunta kami doon nakita po namin nakabulagta na sa may Quirino Avenue yung dalawa at nakatakip na ng dyaryo ng karton. Ang babae po residente dito sa barangay 181, yung lalaki hindi ko po alam kung residente (namin),” ani Indelible.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na naghihintay ng masasakyang jeep patungong Malaria Road ang mga biktima nang lapitan sila ng gunman at pagbabarilin.

Hindi muna nagbigay ng karagdagang detalye ang Caloocan City Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek.

Tumanggi na rin munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga biktima.