Friday, September 25, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

1 patay, 2 sugatan matapos mabagsakan ng puno sa NIA Road, Quezon City

MAYNILA — Patay ang isang babae habang sugatan ang dalawang iba pa matapos mabagsakan ng nabuwal na puno sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City, Huwebes ng hapon.

Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng ulan sa lungsod, dakong alas-3 ng hapon.

Ayon sa nakakita sa insidente na si Lourdes Balanquit, may limang lalaki at isang babae ang sumilong sa puno ng Balete. Nakarinig siya ng malakas na kulog at kidlat at kalaunan ay bumagsak ang puno.

Doon niya nakita na nadaganan ang dalawa sa mga naunang sumilong.

“Biglang kumidlat sabay ang hangin bigla bumagsak ang puno at tumakbo ang tao paganun sila nataranta sila. Ang akala nila hindi aabot, yung nabagsak na po sumilip ako, nakita ko yung babae naipit,” sabi ni Balanquit.

Si Mark Anthony Baltar, isa sa mga survivor, sinabi na papunta sana siya sa opisina ng Philippine Statistics Authority nang sumilong siya pansamantala sa puno.

Nadaganan din siya at nagkaroon ng mga sugat sa katawan.

“Hindi na ako makahinga, akala ko katapusan ko na umiyak po ako. Binigyan po ako ng lakas, napakalaking puno nung pinilit ko umalis. Tumakbo ako sa mga station tulungan nyo ung mga nabiktima, tinulungan nila kami napakalakas pa rin ng ulan inaangat ang mga puno napakabigat. Wala ako magawa sakit ng pakiramdam ko,” kwento ni Baltar.

Agad na nagsagawa ng rescue at clearing operations ang mga awtoridad kung saan nadamay din ang bahagi ng pader na sakop ng DPWH Second District Engineering Office.

Naisugod sa ospital ang babae at lalaking nadaganan ng puno pero binawian ng buhay ang babae. Nagpapagaling sa ospital ang lalaking biktima.

Napag-alamang taga-North Caloocan ang 23-anyos na babaeng nasawi.

“Tumawag na tayo doon nakipagtulungan sa bgy 180 at city hall ng caloocan para maipabatid na nadisgrasya [yung biktima]… makapagbigay tayo ng konting tulong sa babaeng na hindi natin kagustuhan na siya ay madaganan,” sabi ni Ricardo Villaflor, chairman ng Barangay Pinyahan.

Dakong 6:25pm nang matapos ang clearing operations sa lugar at tuluyan nang binuksan sa mga motorista ang apektadong kalsada.

Leave a Reply