Lalaki nalunod sa creek matapos iligtas ang inaanod na mag-iina sa QC
Binuwis ng isang 41-anyos na lalaki ang kanyang buhay para mailigtas ang nalulunod na mag-iinang kapitbahay matapos silang tangayin ng rumagasang tubig sa isang creek sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City noong Linggo. Courtesy: Bgy. Damayan via Christopher SitsonMAYNILA — Binuwis ng isang 41-anyos na lalaki ang kanyang buhay para mailigtas ang nalulunod na mag-iinang kapitbahay matapos silang tangayin ng rumagasang tubig sa isang creek sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City noong Linggo.
Nahanap nitong Huwebes ng umaga, Setyembre 24, sa bahagi ng San Francisco River na sakop ng Barangay Damayan ang mga labi ng biktimang si Jerland Enriquez, na mahigit tatlong araw nang nawawala.
“Habang malakas po ang ulan, binaha po yung kanyang bahay [sa tabi ng creek]. Sa pagbaha na iyon, nakita niya na may dalawang bata na naaanod po nung tubig kaya kanyang sinagip. Actually tatlo po sila, dalawang bata at isang babae [mag-iina],” ani Damayan barangay chairman Floride Casaje.
Bayaning maituturing ni Jean Rose Reyes si Enriquez dahil sa pagligtas nito sa kanya at sa kanyang dalawang anak na edad 2 at 4.
“Sobrang bait po kasi nung tao na iyon. Kahit kakainin na niya lang, ibibigay pa niya. Sobrang bayani po. Bayani pa sa bayani,” pagpupugay niya sa malapit na kaibigan.
“Sobrang salamat Kuya Jerland. Kung naririnig mo kami ngayon, sobrang nami-miss ka namin. Hindi ko alam pano sasabihin yung salamat, pero salamat talaga. Sinacrifice mo yung sarili mo maligtas mo lang kami.”
Nagtamo ng mga sugat sa katawan si Reyes at ang kanyang mga anak matapos madaganan ng mga kahoy habang tinatangay ng malakas na agos ng tubig nang ilang metro mula sa kanilang binahang bahay.
“Hindi ko nga po alam nun kung mabubuhay kami kasi nadadaganan na po kami ng mga kahoy tapos nakukuryente pa po kami,” pagbabalik-tanaw niya.
Tubong Nueva Ecija ang biktima na nakipagsapalaran sa Maynila bilang kargador ng prutas.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Alexander Enriquez, naipaabot na nila sa asawa at dalawang anak nito ang nangyari.
“Sobrang lungkot po ang nangyari sa aming lahat. Mabait po talaga ‘yang kapatid ko na yan. Matulungin po talaga ‘yan. Kahit sino pong tao pinapakain niya,” dagdag nito.
Handa namang magpaabot ng tulong ang lokal na pamahalaan para sa pag-uwi sa labi ng biktima at pagpapalibing sa kanya sa probinsiya.