Halos P20-M halaga ng alahas, ninakaw sa jewelry store sa Bulacan; 5 suspek arestado
BULACAN — Halos P20 milyon halaga ng mga alahas ang natangay matapos looban ng isang grupo ang isang jewelry store sa Purok 5, Barangay Lugam, Malolos City, Bulacan nitong Oktubre 1.
Limang suspek na umano’y sangkot sa krimen ang agad na naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya.
Sa CCTV footage, bandang alas-2 ng hapon noong Oktubre 1 nang pumasok sa gated compound ang dalawang lalaki.
Nagkunwari umano silang bibili ng alahas at nag-log pa bago pumasok sa jewelry store kaya hindi umano agad naghinala ang security guard.
Maya-maya pa, dumating ang umano’y dalawa nilang kasabwat na sa halip na mag-log sa guardhouse ay agad umanong tumutok ng baril sa guwardiya.
Kasabay nito, nagdeklara ng holdap sa loob ng jewelry store ang naunang dalawang suspek at tinutukan din ng baril ang mga empleyado.
Sinundan pa sila ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Pumasok ang isa sa mga ito sa tindahan habang may bitbit na bag at umakyat sa estante kasama ang isa pang kasabwat.
Sabay-sabay nilang nilimas ang mga naka-display na alahas bago tumakas sakay ng dalawang motorsiklo.
Umabot lamang umano sa dalawang minuto ang pagnanakaw.
Sa backtracking ng Police Regional Office 3, nalaman ng mga awtoridad na lumipat ang grupo sa isang itim na SUV na ginamit bilang getaway vehicle.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director PBGen Jess Mendez, matagal na umanong minamanmanan ng grupo ang mga target nilang jewelry store bago isagawa ang pagnanakaw.
Nasa kustodiya na ng Malolos City Police ang mga naarestong suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.
Patuloy ang pagtugis sa iba pang suspek na sinasabing sangkot sa pagnanakaw.
Mahaharap sa kasong robbery ang mga naaresto at iba pang suspek na matutukoy sa imbestigasyon.