Lola na nawawala mula Setyembre natagpuang patay sa bukid sa Isabela
Natagpuang patay ang isang 73-anyos na babae na iniulat na nawawala mula pa noong Setyembre 23 matapos matagpuan ang kanyang bangkay sa isang maisan sa Barangay San Juan, Ilagan City, Isabela noong Lunes, Oktubre 6. Courtesy: Ilagan City PNP via Cezar GalasiILAGAN CITY, Isabela — Natagpuang patay ang isang 73-anyos na babae na iniulat na nawawala mula pa noong Setyembre 23 matapos makita ang kanyang bangkay sa isang maisan sa Barangay San Juan, Ilagan City, Isabela noong Lunes, Oktubre 6.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jeffrey Raposas, Chief of Police ng Ilagan City Police Station, bandang alas-10 ng umaga nang makatanggap sila ng ulat hinggil sa isang bangkay na natagpuan sa nasabing lugar.
Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng pulisya at nakumpirmang bangkay ng isang babae ang natagpuan doon.
Nasa advanced stage of decomposition na umano ang katawan at naglalabas na ng mabahong amoy nang matagpuan.
Positibong kinilala ng pamilya ang biktima batay sa suot nitong damit at bota bago ito nawala.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo umano sa kanyang bukid ang biktima noong Setyembre 23 ngunit hindi na nakauwi, dahilan upang iulat siya ng kanyang pamilya bilang nawawala.
Hinihinalang heat stroke ang ikinasawi ng biktima.
“Base sa initial assessment natin, posibleng heat stroke ang naging sanhi ng pagkamatay niya. Tumanggi na rin ang pamilya na isailalim sa awtopsiya ang kanyang bangkay,” ani Raposas.
Patuloy naman imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.