Saturday, October 10, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Magkaibigang snatcher nambiktima ng estudyante sa QC

Arestado ang magkaibigang snatcher matapos mambiktima ng isang college student sa Barangay Don Manuel, Quezon City noong Lunes, Oktubre 5.

Sa CCTV pasado alas nuebe ng gabi sapul ang pagdaan ng riding-in-tandem sa E. Rodriguez Boulevard kung saan naghihintay ng jeepney ang 18- anyos na biktimang college student.

Sa isa pang kuha ng CCTV makikitang naglalakad na ang biktima na nahablutan na pala ng cellphone ng mga suspek.

Agad namang hinabol ng mga nagpapatrolyang pulisya ang riding-in-tandem at nahuli sa loob ng sampung minuto.

“Habang nagco-covert patroling yung tropa natin o tinatawag nating detective patroling, ‘yung mga personal natin doon na naka-plain clothes, nakita nila may commotion sa unahan nila. Noong nag-inquire sila, may hinablutan na pala ng cellphone, riding-in-tandem. So ang ginawa nila hinabol nila hanggang sa masuko nila dito sa Tatalon, inaresto nila,” ani Police Lieutenant Colonel Morgan Aguilar, Galas Police Station Commander.

Narekober sa mga suspek ang tatlong cellphone kabilang ang sa college student na nagkakahalaga ng mahigit P10,000, isang baril na kargado ng mga bala, dalawang helmet, at ang motorsiklong ginamit sa krimen.

Napag-alamang dumayo lang sa Quezon City ang riding-in-tandem na residente ng Maynila at San Juan.

“Base sa custodial debriefing natin, may nag-recruit sa kanila na isang tao na tinuturuan sila kung paano mag snatch. Then kapag nabebenta nila yung isang cellphone, lalo na yung high-end, binibigyan sila ng P3,000 each,” sabi ni PLtCol. Aguilar.

Aminado ang mga suspek na sina alyas John, 28-anyos at alyas Jay, 18-anyos sa nagawang krimen dahil umano sa matinding pangangailangan.

“Nangailangan lang po ako. Birthday ng anak ko kasi,” paliwanag ni alyas John.

“Nagawa ko po yun dahil sa anak ko, panggatas po,” sabi naman ni alyas Jay.

Dati na ring nakulong si alyas John matapos masangkot sa ilegal na droga at sa kasong carnapping.

Nahaharap ngayon ang dalawa sa reklamong Theft habang si alyas John ay kinasuhan din ng paglabag sa comprehensive firearms and ammunition regulation act dahil sa narekober sa kanyang baril.

Patuloy naman ang follow-up operation ng QCPD para mahuli ang sinasabing recruiter at iba pang kagrupo ng dalawang suspek.

Leave a Reply