Tricycle driver sinaksak ng kapitbahay na nanghingi ng pambili ng kape
Sugatan ang isang 47-anyos na tricycle driver matapos saksakin ng kapitbahay na nanghihingi sa kanya ng pambili ng kape sa Barangay Longos, Malabon City nitong Lunes, Oktubre 5.
Ayon sa kumare ng biktima na si Wendy Guillermo na nakakita sa insidente, naglilinis lang ng tricycle ang biktima nang lapitan ito ng suspek na nanghihingi ng pambili ng kape.
“Nanghiningi raw po ng kape noon. Kasi laging binibigyan ng kumpare ko yun ng pang-kape. Tinuro niya sa tindahan, sabihin mo sa akin. Siguro pagkakaisip (nung suspek) niloloko lang siya. Pagbalik, sinaksak,” ani Guillermo.
Mabuti na lang anya inawat ng isang nakakitang residente ang suspek sa pag-atake sa biktima.
Sinubukan pang habulin ng mga residente at sugatang biktima ang suspek.
“Hinahabol na nila kasi dun pa lang sinaksak na pala siya roon. Pagdating dito narinig ko yung kumpare ko sinabi ‘bakit ka nananaksak?’ Nagulat ako. Sabi ko hala gulo ito. Yung mga kakwentuhan kong may anak hinawi ko. Pagdating dito bumunot ng patalim yung kaaway, ang haba, inundayan (ulit) ng saksak,” dagdag pa ni Guillermo.
Agad namang rumesponde ang kapulisan at naaresto sa follow-up operation ang suspek pero hindi na nabawi ang ginamit nitong patalim.
“May dati ng kaso yan. Yung sinaksak yung kapatid. Yung nanaksak walang hanapbuhay yan gala-gala lang yan. Kung makakalaya pa yan baka hindi lang yan ang mangyari,” ani Christopher Mercado na miyembro ng barangay public safety office ng Barangay Longos.
Pinaigting na ng awtoridad ang pagbabantay sa lugar para hindi na maulit pa ang insidente.
“Nagro-roving kami, nag-iikot, (para) maiwasan yung mga insidenteng ganun. Lalong-lalo mga pulis nakabantay din yan,” sabi pa ni Mercado.
Patuloy pang nagpapagaling sa ospital ang biktima na nagtamo ng tatlong saksak sa tagiliran at likod habang nasa kustodiya ng Malabon City Police ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated homicide.