Thursday, October 15, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

FACT CHECK: Mini fire trucks ng LGU, maling iniuugnay sa P10-M fire trucks na bibilhin ng gobyerno

Hindi totoong ang mga “mini fire truck” o “fire trike” na makikita sa mga kumakalat na post sa social media ang mga fire truck na planong bilhin ng pamahalaan para sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa halagang P10 million bawat isa.

Sa isang Facebook post noong October 5, 2026, makikita ang video ng isang mini fire truck at nilapatan ng tekstong: “Jusmeyo marya hosep. BBM Firetruck sa halagang 10 Million. Mahal naman kanino kaya napunta ang sukli.”

Sa isa pang post noong parehong araw, pinagsama naman ang dalawang magkaibang video. Sa itaas ay ang video ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na nagsasalita tungkol sa planong pagbili ng pamahalaan ng mga bagong fire truck para sa BFP. Samantala, nasa ibaba ang video ng mga nakaparadang mini fire truck o fire trike.

Nagmula ang video ni Remulla sa isang event noong October 1, 2026, kung saan sinabi niyang nakatakda pa lamang pumirma ang pamahalaan ng kasunduan para bumili ng 1,500 fire truck mula South Korea para sa BFP.

Ayon kay Remulla, tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng P10 million bawat isa, mas mababa kumpara sa dating presyong P16 million.

Samantala, ang mga video ng mga mini fire truck o fire trike ay mula sa Facebook page na “Ser Chi Vlog.” Makikita rito ang mga sasakyan na nakaparada sa harap ng municipal hall ng San Antonio, Nueva Ecija. 

PAGBILI NG SAN ANTONIO LGU NG MINI FIRE TRUCKS 

Sa pagsusuri ng ABS-CBN Fact Check, lumabas na ang mga mini fire truck o fire trike na makikita sa mga post ay binili ng lokal na pamahalaan ng San Antonio, Nueva Ecija at hindi ng pambansang pamahalaan.

Batay sa award notice na makikita sa website ng Philippine Government Electronic Procurement System o PhilGEPS, bumili ang San Antonio ng anim na fire rescue unit sa halagang P4.5 million noong June 4.

Noong July 6, nagbahagi rin si San Antonio Mayor Gege Salonga-Esquivel sa kaniyang Facebook page ng mga larawan ng pagbabasbas sa anim na bagong Fire Fighter Rescue Vehicles.

Ayon sa caption ng kanIyang post, ang mga mini fire truck o fire trike ay binili ng lokal na pamahalaan ng San Antonio.

“Kasunod nito ay ang pagbabasbas ng anim (6) na bagong Fire Fighter Rescue Vehicles na binili ng Pamahalaang Bayan ng San Antonio,” ayon sa post. 

‘FINI-FAKE NEWS KAMI’ 

Sa isang panayam, direktang pinabulaanan ni Remulla ang mga post na nagsasabing ang mga mini fire truck o fire trike ang binibili ng gobyerno sa halagang P10 million bawat isa.

Aniya, ang mga sasakyang nasa video ay pag-aari ng isang lokal na pamahalaan sa Nueva Ecija at hindi bahagi ng planong bilhin ng Department of the Interior and Local Government.

Dagdag pa ni Remulla, ang mga fire truck na planong bilhin para sa BFP ay may kapasidad na 750 gallons at iba sa mga mini fire truck o fire trike na makikita sa mga post.

“Fini-fake news na naman kami but the truth will be out,” sabi ni Remulla.

Bukod dito, wala pang nabibiling fire truck ang pamahalaan sa ilalim ng programang tinukoy ni Remulla. Sa kaniyang pahayag noong October 1, sinabi niyang nakatakda pa lamang pumirma ang gobyerno ng kasunduan para sa planong pagbili ng 1,500 fire truck mula South Korea para sa BFP. 

 
PAGLILINAW NG BFP

Naglabas din ng paglilinaw ang BFP hinggil sa pagkakaiba ng mga fire truck ng ahensiya at mga fire trike ng mga lokal na pamahalaan.

Ayon sa BFP, ang mga BFP fire truck ay binibili at pinatatakbo ng ahensiya at may iba’t ibang kapasidad depende sa pangangailangan ng operasyon.

Samantala, ang mga fire trike ng local government units ay mga inisyatiba ng mga lokal na pamahalaan upang makatulong sa firefighting operations, lalo na sa mga komunidad na mahirap pasukin ng malalaking fire truck. 

Kung kayo’y may alam na kahina-hinalang social media page, group, account, o website, artikulo, larawan, o impormasyong ipinapakalat sa mga messaging app, maaring makipag-ugnayan sa aming email factcheck@abs-cbn.com o X (dating Twitter) account @abscbnfactcheck.

Leave a Reply