Thursday, October 22, 2026

Thinking Port

Another port for thinking people…

ABS-CBNNewsPhilippines

Senior citizen, pinugutan sa Camarines Sur

Nasawi ang isang senior citizen matapos umanong tagain sa Lupi, Camarines Sur, Huwebes ng umaga. 

Kinilala sa alyas na “Ancia,” 66-anyos ang biktima, habang nasa kustodiya na ng Lupi Municipal Police Station ang 25-anyos na lalaki na residente rin ng nasabing bayan.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, nakita umano ng isang residente ang suspek na may hawak na bolo at may tinataga sa isang daanan malapit sa bahay niya sa Zone 3, Barangay San Ramon. 

Hindi agad matukoy ng nakakita kung ano ang tinataga ng suspek na kalaunan ay nagtungo sa kalapit na pampang ng ilog.

Nang lapitan ng nakakita ang lugar, tumambad sa kanya ang biktima na pinugutan. Agad siyang humingi ng tulong sa isang opisyal ng barangay.

Natagpuan ang itak na ginamit sa insidente malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon sa ulat, kusang sumuko ang suspek at itinurn-over ng punong barangay sa pulisya. 

Binanggit din sa paunang ulat na pinaghihinalaang may kondisyon sa pag-iisip ang suspek, pero walang nakasaad na kumpirmadong pagsusuring medikal.

Nagsagawa na ng follow-up investigation ang pulisya at humiling ng tulong sa SOCO para sa pagproseso ng crime scene.

Patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen. Inihahanda na rin ang mga dokumento para sa paghahain ng kaukulang kaso sa Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings.


IBA PANG BALITA:

Leave a Reply