Rider na naka-hit-and-run kay Cianne Dominguez, humarap sa LTO
Sa social media post, ibinahagi ni Dominguez ang dashcam footage kung saan makikitang binabaybay niya ang isang daan sa Antipolo City, Rizal habang kasama ang dalawang batang pamangkin nang bigla na lang may kumalabog sa likurang bahagi ng kaniyang sasakyan. Courtesy: Cianne Dominguez/Facebook via Christopher SitsonHumarap sa Land Transportation Office (LTO) ngayong Biyernes ang motorcycle rider na naka-hit-and-run sa sasakyan ni “It’s Showtime” host Cianne Dominguez.
Magugunitang nabangga ng motorsiklo ang minamanehong sasakyan ni Dominguez sa Antipolo City noong Lunes.
Ayon sa LTO, humarap sa kanilang Intelligence and Investigation Division (IID) ang rider at inaming siya ang rehistradong may-ari at nagmamaneho ng motorsiklo noon angkas ang misis.
Bigla aniyang huminto ang sasakyan ni Dominguez at sa kabila ng pagpreno, hindi pa rin naiwasang bumangga dito.
Bagong driver lang aniya siya kaya kinabahan at natakot nung mangyari ang aksidente kaya biglang umalis sa lugar.
Ayon sa driver, handa siyang makipag-ayos kay Dominguez. Hindi naman dumalo si Dominguez sa kabila ng imbitasyon ng LTO.
Ayon sa LTO-IID, nakikitang may paglabag ang rider sa probisyon ng batas kasama na ang reckless driving, duty of driver in case of accident at improper person to operate a motor vehicle.
Inirekomenda ng LTO na patawan ng isang taong suspensiyon ang lisensiya ng rider.