2 magkahiwalay na sunog, sumiklab sa Tondo, Maynila
MAYNILA — Dalawang magkahiwalay na sunog ang naitala sa Barangay 94 at Barangay 244 sa Tondo, Maynila, madaling-araw nitong Linggo, Oktubre 11.
Unang rumesponde ang mga bumbero sa sunog sa Malvar Street, Barangay 94, dakong alas-2:23 ng madaling-araw.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog dakong 2:37 a.m. bago ito idineklarang under control 4:44 a.m., at tuluyang naapula ganap na 4:57 a.m.
Ayon kay Fire Senior Inspector Ronald Lim, commander ng BFP Manila Station 1, isang tatlong-palapag na residential structure na may rooftop ang nasunog.
“Structure po ito na residential na merong kasamang mga exhibits na mga halaman na madaling magliyab dahil ito’y mga plastic,” ani Lim.
Nahirapan din umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy sa ikatlong palapag dahil hindi agad nagkaroon ng suplay ng tubig ang fire hydrant. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang caretaker ng gusali. Wala ring naitalang nasawi o nasugatan sa insidenteng ito.
Samantala, dakong alas-3:24 ng madaling-araw nang rumesponde ang mga bumbero sa isa pang sunog sa Narra Street, Barangay 244 sa Tondo na kinasangkutan ng isang apat na palapag na residential-commercial structure.
Ayon kay FSINSP Cesar Babante, commander ng BFP Manila Station 5, isang pamilya o tatlong indibidwal lamang ang nakatira sa nasabing bahay. Nasa P90,000 aniya ang pinsala sa naturang sunog.
“May mga tambak siya doon mga cartons lang naman. Kasi sabi ng may-ari, iyon ay kanilang ginamit noong panahon ng pandemic pa so ini-stock lang nila dyan pero hindi naman gaano karami mga karton,” ani Babante.
Sa salaysay naman ni Rosendo Gutierrez, barangay ex-officio sa Barangay 244, lumalakas na ang apoy nang puntahan nila ang lugar kaya pinilit nilang buksan ang bahay. Nagkaroon na rin aniya ng mga putok mula sa mga kawad ng kuryente habang patuloy na lumalaki ang apoy.
“Meron kaming fire extinguishers kaso medyo kinapos na sa pressure kaya nagtawag na kami ng bumbero,” ani Gutierrez.
Naapula ang sunog sa Barangay 244 dakong 4:17 a.m., matapos itong ideklarang under control 3:51 a.m. Ligtas naman at hindi nagtamo ng sugat ang babaeng nailabas mula sa nasunog na bahay.
Ayon kay Babante, iniimbestigahan pa ng mga arson investigator ang pinagmulan ng sunog, kabilang ang posibleng problema sa electrical wiring.