Lalaking lulong sa online gambling, arestado matapos pagnakawan ang kapwa-tenant sa QC
MAYNILA — Arestado ang isang 24-anyos na lalaki dahil sa pagnanakaw ng P359,000 na halaga ng gadgets at cash sa isang apartment building unit sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, Biyernes ng madaling araw, Oktubre 9.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Rico,” na umuupa rin ng kuwarto sa ikatlong palapag ng naturang gusali.
Tumanggi na sa panayam ang biktimang engineer, pero ayon sa Quezon City Police District, dakong alas-12:19 ng madaling araw nang ma-monitor ng 30-anyos na biktima ang suspek sa pamamagitan ng mobile app ng kaniyang CCTV habang siya ay nasa trabaho.
Agad na tumawag sa Holy Spirit Police Station ang biktima, dahilan upang mabilis na rumesponde ang mga pulis at maaresto ang suspek sa loob ng kaniyang kuwarto.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr., hepe ng QCPD Holy Spirit Police Station 14, gumamit ang suspek ng motorcycle belt upang mabuksan ang pinto ng kuwarto ng biktima.
“Noong nabuksan niya, pinasok niya na dahil taga-doon din siya. Sanay na sanay na siya. Sumisilip pa siya kung may tao. Hindi niya alam may CCTV na palang sumusunod sa kaniya,” ani Fabros.
Tatlong cellphone at perang aabot sa P330,000 ang umano’y tinangay ng suspek. Gayunman, hindi pa nababawi ang mga ito sa suspek.
“Sabi niya is nalulong siya sa sugal. Dahil sa pagkakalulong niya sa sugal, nag-resort siya sa pagnanakaw,” dagdag ng opisyal.
Sa panayam sa suspek, sinabi nitong naengganyo siyang magsugal matapos makakita ng patalastas sa social media.
“Nakita ko lang po sa FB,” ani alyas “Rico.”
Bukod sa biktima, humingi rin ng tawad ang suspek sa may-ari ng apartment pero itinanggi niya ang kabuuang halagang sinasabing ninakaw niya.
“Mali po yung binibintang nila sa pera. P10,000 lang po yung nakuha ko nun,” giit niya.
Ayon kay Fabros, walang nakitang dating criminal record ang pulisya laban sa suspek.
“Mag-ingat tayo sa mga ganitong klaseng activities. Dapat yung bahay natin, maganda yan, may CCTV kasi kapag may CCTV, makakapagresponde agad ang pulis,” ani Fabros.
Nagpaalala naman ang opisyal sa publiko na ingatan ang mga personal na gamit kahit nasa loob ng bahay.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek dahil sa kasong theft.